DALAWANG araw kami nagpunta sa ginanap na Cosmania sa SMX. Ang daming tao at napakasaya. Iyong mga cosplayer parang walang alam na problema. At least sa bahaging iyon ng Pilipinas noong dalawang araw na iyon, walang pinag-usapang pork barrel, hindi nabanggit ang mga politikong ayaw bumitaw sa kanilang pork barrel dahil pinakikinabangan nila. Basta ang mga tao roon, masaya lang.
Nakita namin ang international cosplayer na si Jayem Sison, na noong nakaraang Agosto ay pinarangalan bilang living legend ng cosplay sa AnimeKon na ginaganap taon-taon sa Barbados. Iyan ang pinakamalaking anime group sa buong Caribbean Peninsula at sa mga bansa sa Latin America. Isa rin iyan sa pinakamalaki sa buong mundo. Siyempre ang pinakamalaki ay sa Japan na talagang nagsimula iyang anime.
Simple lang si Jayem, walang kayabang-yabang, at nakita namin talagang iniidolo siya ng maraming cosplayers na kababayan natin. Iba rin talaga ang dating ng kanyang mga costume, talagang pinaghandaan. May umuusok pa talaga sa costume niya bilang si Erin ng Shingeki no Kyolin. Impressive. Noong first day, ang costume niya ay si Portgas d’ Ace ng One Piece. Iba talaga ang costumes niya, hindi kagaya niyong ibang pinagtagpi-tagpi lang.
Ed de Leon