PILIT na iniwasang pag-usapan ni Derek Ramsay ang ex-girlfriend niyang si Cristine Reyes. Kahit ano’ng pangungulit ng press kay Derek, ayaw niyang pag-usapan si AA (nickname ni Cristine). Mas interesado ang maskuladong actor na pag-usapan ang ang bago nilang show sa TV5, kaysa kay Cristine.
Ang latest TV series ni Derek sa Kapatid Network ay ang For Love or Money na tinatampukan din nina Alice Dixson at Ritz Azul, mula sa direksyon ni Mac Alejandre.
Pero nang usisain si Derek tungkol sa pelikula nila ni Cristine na Trophy Wife ng Viva Films, napilitan din siyang sumagot. “We’re fine. With regards to the movie that we are doing, we’re going to be professional about that,” matipid na sagot niya.
“We’re actually going to Hawaii for a show. Matagal nang naka-schedule iyon. Kaya magkakasama pa rin kami. We’re both being professional sa trabaho namin,” dagdag pa niya.
Ipinagtanggol din niya si Cristine at sinabing walang may kasalanan sa nangyari sa kanila. “Ang sasabihin ko lang, walang may kasalanan sa nangyari. Walang may mali, walang masama. It’s just a decision that was made.
“Nangyari ang nangyari, walang bagay ang nagdala ng galit o kung anuman ang sinasabi ng mga tao.”
Idinagdag pa ni Derek na itinuturing pa rin niyang kaibigan si Cristine kahit na ganito ang sinapit ng kanilang relasyon.
Naniniwala rin daw ang actor na in due time ay mas magiging okay sila ni Crisine.
Hinggil naman sa posibilidad na magkabalikan sila, lalo’t magkakatrabaho sila sa Hawaii, ito ang simpleng sagot ni Derek, “We don’t know what’s gonna happen in the future.”
Chanel Latorre, idol sina Alessandra de Rossi at Cherie Gil
HUMAHATAW ngayon ang movie career ng newcomer na si Chanel Latorre. Although hindi talaga siya baguhan dahil 2009 pa nagsimulang gumawa ng movie si Chanel via Jowee Morel’s Latak na kalahok sa Cinemalaya Netpac noong 2009.
Esplika ni Chanel, “I stopped acting because I was also doing a writing job for an online magazine. It was only mid-2011 that I resumed because of Wan Chai Baby and Captive. Both were such wonderful opportunities, that I decided to drop off my other jobs and pursue acting full- time. From then on, I fell in love with my craft.”
Unang lead role ni Chanel ang Wan Chai Baby ng Australian director na si Craig Addison. Gumanap siya rito bilang isang domestic helper na naging masahista sa Hong Kong.
Sa taong ito, sa katatapos na tatlong local filmfest ay nagkaroon siya ng limang entries. Kabilang dito angBabagawa at Diplomat Hotel sa Cinemalaya 2013, Lauriana at Lihis para sa Sineng Pambansa, at sa The Guerrilla is a Poet para naman sa CineFilipino Festival.
Sa darating na Cinema One sa Nov. 10-19, dalawa naman ang entries ni Chanel, ang Woman of the Ruins atBendor.
Ayon pa kay Chanel, gusto rin niyang ma-penetrate ang mainstream films at TV.
Kabilang naman sina Alessandra de Rossi at Cherie Gil sa mga iniidolo niya.
“Si Alessandra, I had a chance to work with her twice and she was a real pleasure to work with. Never nag-complain or nagdiva-divahan, ang bilis kumilos, sobrang witty, versatile at ang galing makisalimuha sa lahat ng tao. Plus, she always gave and shared one hundred percent sa ginagawa niya. Such a genuine person and true artist.
“Si Cherie, napakagaling niyang aktres at ‘di nawawalan ng trabaho kahit ang tagal-tagal na niya sa industriya. The quality of her work has never faded and she continually strives to do her best not only in acting but in other forms of art as well. She may have the mainstream label as “contravida” pero siya ang contravida na pag-umiyak e, maawa ka talaga,” saad pa ni Chanel.
Nonie V. Nicasio