BUMALIK na nga ba ang buwenas ni Freddie Roach?
Maganda ang naging panalo ni Miguel Cotto na nasa kuwadra ngayon ng pamosong trainer na si Freddie Roach nang gibain nito si Delvin Rodriguez sa 3rd Round sa Amway Center.
Maituturing na malaking laban iyon para kay Cotto dahil ito ang comeback fight niya pagkatapos matalo kay Austin Trout noong nakaraang taon.
At mas lalong malaking panalo ito sa parte naman ni Roach na napagmamalas nitong nakaraang mga buwan at taon nang mapagtatalo ang kanyang mga pamprimerang boxers sa Wild Card Gym.
Tingin natin, magandang pangitain ang panalong ito ni Cotto sa pangagalaga ni Roach.
Aba’y sa Nobyembre na ang laban ni Manny Pacquiao kontra kay Brandon Rios. Baka tuluy-tuloy na ang buwenas.
Sana naman.
0o0
Sa linggo na ang laban nina Juan Manuel Marquez at Tim Bradley.
Kanino kayo?
Kung ako ang tatanungin, dapat manalo si Bradley.
Bakit?
Dito kasi nakasalalay ang magiging rematch nina Pacquiao at Marquez.
Posible kasing kapag nanalo itong si Marquez ay tuluyan na siyang magsabit ng glab at mawalan na nang saysay ang paghahamon ni Pacman sa ikalimang pagkakataon.
Alam naman natin na iniiwasan na ni Marquez si Pacquiao dahil naramdaman niya sa laban iyon na bibigay na siya after 5th round. Buti na lang ang natiyambahan niya ang sobrang kompiyansang si Pacman.
Iyon na nga, kaya tawasin mo man siya ay hindi na siya lalaban kay Pacman.
Kapag nanalo si Marquez kay Bradley ay parang wala nang patutunayan ang una na siya na nga ang dapat tanghaling pangalawa kay Floyd Mayweather pagdating sa paghahari sa pound-for-pound.
Siyempre pa, tinalo niya si Bradley na tinalo naman si Pacman. At dahil nga sa giniba na niya si Pacman—sino pa nga ba ang maghahabol ng Pacman-JMM part 5?
Pero kapag natalo si Marquez—ibang usapan na ito. Alam naman natin ang kalidad ng mga Mexican boxers. Habang nasusugatan, tumatapang ang mga ito.
Tiyak na hindi pa magreretiro si JMM. Babalik at babalik siya sa limelight.
At dahil doon ay malaki ang posibilidad na lingunin niya si Pacquiao.
Lalo na’t sa hinaharap ay talunin din ni Pacman si Bradley sa isang rematch.
Alex Cruz