KAHIT sino man ang magiging katunggali ng San Mig Coffee sa finals ng PBA Governors’ Cup, determinado ang Coffee Mixers na makuha ang kampeonato.
Tinalo ng tropa ni coach Tim Cone ang Meralco, 3-1, sa semifinals noong Linggo upang makuha ang unang silya sa best-of-seven finals na magsisimula sa Biyernes, Oktubre 11, sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
“Kahit pasok kami sa finals, wala pa kaming napapatunayan. Hangga’t hindi pa namin hawak yung trophy hindi pa achievement yun. Yun talaga gusto naming makuha,” ayon kay Marc Pingris.
Dalawang beses na nasilat ang San Mig sa semis ng Philippine Cup at Commissioner’s Cup kaya ganito ang naramdaman ng Mixers habang naghihintay nila ang kanilang kalaban.
“Masaya. Ilang conference na kaming nasa semis parati pero hindi kami makaabot sa finals,” pahayag naman ni James Yap na napili bilang Best Player ng Game 4 ng semis na pinagwagihan ng Mixers, 79-73, upang tapusin ang serye.
Kung magkakampeon ang San Mig sa torneo ay malaking pasasalamat ito ng import nilang si Marcus Blakely dahil hindi pa niya nalilimutan ang pagkatalo ng Mixers kontra Rain or Shine sa finals noong isang taon.
“It comes down to these three days of practice, how well we grind as a team. I think we have something to prove, for sure,” ani Blakely. “In the finals each team has the same percentage to win. Whoever makes it to the finals, you made it there for a reason. No underdogs, no favorites.”
(James Ty III)