PANIGURONG dadaan sa butas ng karayom si reigning champion Ga Young Kim ng Korea sa pagdepensa ng kanyang titulo sa 2013 Yalin Women’s World 10-Ball Championship.
Maglalahukan ang mga matitikas na bilyarista mula sa hanay ng kababaihan sa event na sasargo sa Resorts World Manila sa Oktubre 28-Nobyembre 4.
Ang mga cue artists na magbibigay ng matinding hamon sa South Korean champion ay ang mga manunumbok mula Russia, Iran, China, Germany, Japan, Netherlands. Korea, Belgium, Australia, France, Singapore, Poland, US at host Philippines.
Ilan sa mga matutunog na pangalan na nasa roster sina Kelly Fisher, crowd darling Jasmin Ouschan, Allison Fisher, Yu Ram Cha, Siming Chen at Filipina bet Rubilen Amit.
Handa naman si Amit makipagtumbukan sa mga mahuhusay na bilyarista upang mabigyan muli ang Pilipinas ng karangalan.
Bahagi sila ng elite 48 world class lady pros, ang pinakamatitindi mula sa 20 bansa.
Itutumbok ang final Stage 1 qualifiers sa Star Billiards Manila sa Oktubre 28-29th.
Ang event ngayong taon ay muling iisponsoran ng Yalin Tables at hatid ng Dragon Promotions.
“10-Ball is the hardest and most skillful game for pool,” ayon kay Allison Fisher, 6-time US Open 9-Ball champion. “Winning the Yalin World Championship is definitely in favor of the better professional players.”
(ARABELA PRINCESS DAWA)