DALAWANG buntis at isang 20-anyos dalaga ang ipiniit nang maaresto ng Manila Police District (MPD) matapos salisihan ang 24-anyos IT student sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kalaboso sa detention cell ng Manila Police District (MPD) – Theft and Robbery Section (TRS) ang mga suspek na sina Perlita Santos, 33, may-asawa, 9-buwan buntis, ng 27 Virginia St., Sauyo, Quezon City; Jaysell Nicole Duzon, 18, 7-buwan buntis ng 816 Hunters St., Quezon City at Princess Santos, 20 ng 119 Cluster 14, Kaliraya, Que-zon City dahil sa reklamo ni Princess Golle, 24, IT student ng Informatic at residente ng 2698 Dominga St., Malate, Maynila.
Sa report ni SPO3 Dionilo Cinco ng MPD-TRS, 8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Cotton On Boutique sa ground floor ng Robinsons Mall, Ermita.
Sa reklamo ni Golle, isinusukat niya ang binibiling sapatos habang nakalapag sa kanyang tabi ang itim niyang shoulder bag na naglalaman ng P20,000, Samsung Tab (P13,000); iPhone 5 (P35,000) at mga importanteng papeles habang paikot-ikot sa kanyang tabi ang mga suspek na nagpanggap na mga customer.
Huli na nang napansin niyang nawawala ang kanyang bag kaya nagsisigaw siya ng “magna-nakaw, magnanakaw” na tiyempong nagpapat-rolya sina PO3 Dennis Bernabe at PO2 Margarito Dequito, nakatalaga sa MPD-TRS na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek habang palabas ng mall.
Positibong itinuro ng biktima ang mga suspek na aali-aligid sa tabi niya nang mawala ang kanyang shoulder bag na nagkakahalaga ng P8,5000.
Nabatid na si Santos umano ang tumangay ng kanyang bag ngunit ipinasa ito sa isang lalaking kasamahan. (DAPHNEY ROSE TICBAEN)