AYON kay Sen. Grace Poe, dapat lang na masuspinde ang tatlong kapwa n’ya senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla sa sandaling pormal na silang masampahan ng kaso sa Sandigan Bayan kaugnay ng umano’y pakikipagsabwatan nila kay Janet Napoles tungkol sa paggamit ng kanilang pork barrell fund.
Ginawa ng bagong senadora (na nanguna sa nakaraang eleksiyon) ang pahayag na ‘yon kamakailan sa isang media interview. Sa abot ng aming kaalaman, siya ang kauna-unahang senador na may kinalaman sa showbiz na nagbigay ng pahayag tungkol sa mga kapwa senador n’ya na nasasangkot sa pork barrel scam. May kinalaman din sa showbiz sina Senators Tito Sotto at JV Ejercito pero wala kaming nababalitaang pahayag nila na may kinalaman sa pork barrel scam dahil nga siguro sa dalawa sa mga ‘yon ay mga artista sa pelikula. Moreover, magkapatid sa ama (dating pangulong Joseph Estrada, na meyor ngayon ng Manila) sina JV at Jinggoy.
So far, wala pang pahayag si Senator Poe sa balitang dinidiskuwalipika ang actor ding si ER Ejercito sa pagiging governor ng Laguna dahil sa umano’y overspending nito. Ayon naman sa mga Ejerito-Estrada, pine-persecute sila ng kasalukyang administrasyon.
Wala pa kaming nababalitaang reaksiyon ng mga taga-showbiz tungkol sa mga nagaganap sa mga Ejercito-Estrada. Mag-rally kaya sila at isumpa ang administrasyon ng kapatid ni Kris Aquino? Of course, marami rin namang pro-P-Noy na taga-showbiz. Malay natin na baka ‘pag nag-rally ang mga pro-Ejercito-Estrada, magkontra-rally din ang mga pro-P-Noy.
Danny Vibas