Posibleng masundan pa ang ipinatupad na balasahan sa hanay ng port collectors ng Bureau of Customs, na pinasimulan ng kagawaran matapos ang nakaraang SONA ni PNoy dahil sa talamak na korupsyon.
Ani Customs Commissioner Ruffy Biazon, hindi niya isinasara ang posibilidad ng panibagong rigodon sa kawanihan.
Ito ay sa harap na rin ng reporma na nais nilang maipatupad sa BoC para mapaigting ang koleksiyon sa buwis at masugpo ang smuggling.
Ipinaliwanag ni Biazon na hindi naman permanente ang anomang posisyon sa BoC at mayroon siyang kapangyarihan para ilipat ang mga kawani na sa palagay niya’y ‘di na epektibo sa kanyang pwesto.
Pero ang rigodon o reassignment ay nakadepende umano sa performance ng mga kawani at sa feedback ng mga stakeholder.
Ginawa ni Biazon ang pahayag sa harap ng temporary restraining order (TRO) na nakuha ng 15 customs collector na apektado ng balasahan sa kawanihan.
(LEONARD BASILIO)