PINAYAGAN na ang live streaming para sa oral arguments hinggil sa kontrobersyal na pagtalakay sa isyu ng Priority Development Assistance (PDAF) at Malampaya Fund.
Batay sa isang pahinang resolusyon na may petsang Oktubre 1, 2013 na pirmado ni SC en banc Clerk of Court Atty. Enriqueta Vidal, pinayagan ng Korte Suprema ang live streaming ng debate hinggil sa maanomalyang pork barrel fund.
Itinakda ang paglatag ng argumento sa susunod na linggo, araw ng Martes, dakong 2 p.m.
MIKE ARROYO SABIT
LUMILINAW na ang ugnayan o koneksyon ng mga tumanggap ng kickback, lalo na ang may pinakamalaking nakuha sa Malampaya fund scam na si Ruby Tuazon.
Sa pahayag ni Justice Sec. Liela de Lima, hindi maaaring mawalan ng mas malaking koneksyon si Tuazon dahil nahigitan pa nito ang mga miyembro ng gabinete sa tinanggap na P242.775 million.
Si Tuazon ay sinasabing dating tauhan ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada ngunit sinasabi ring malapit ang ugnayan kay dating first gentleman Mike Arroyo dahil pinsan ito ng kanyang asawa. Dahil dito, ipinapalagay ni De Lima na hindi malayong makasama ang dating unang ginoo sa susunod na mga kakasuhan kung magkakaroon ng mas detalyadong link sa kaugnayan sa nasabing scam.
(BETH JULIAN)