INIUTOS ng Makati court kahapon ang pagpapalaya kay Dominga Cadelina, ang kasambahay ni Janet Napoles na kanyang ipinakulong sa kasong qualified theft.
Pinahintulutan ni Judge Carlito Calpatura ng Makati Regional Trial Court Branch 145 ang paglaya ni Cadelina matapos ang halos walong buwan pagkakapiit, makaraan ang mosyon ng Public Attorney’s Office na i-withdraw ang kasong kriminal laban sa kanya.
Si Cadelina ay ipinakulong ng pamilya Napoles noong Enero makaraang akusahan ng pagnanakaw ng mamahaling bags, ilang underwear at jacket na sinasabing nagkakahalaga ng kalahating milyong piso.
Naniniwala naman ang PAO, kinatawan ni Cadelina, na gawa-gawa lamang ang kaso.
Nauna rito, sinabi ni Cadelina nagalit sa kanya ang pamilya Napoles nang pumanig siya kay pork scam whistleblower Benhur Luy.
Dagdag pa ni Cadelina, nangamba rin ang pamilya Napoles na baka ikanta niya ang mga opisyal ng gobyerno na binigyan ng mamahaling regalo ni Napoles para makuha ang pork barrel funds.