HINDI lang pala si Customs Commissioner Ruffy Biazon ang “THE ONE WHO CALLS THE SHOTS” diyan sa Aduana. Balita natin ay maasim pa rin ang dalawang ex-Customs chiefs pagdating sa puwestohan ng mga opisyal sa bureau.
Kamakailan kasi ‘e inianunsiyo ng ahensiya ang pagpasok ng mga bagong pangalan na hahalili sa mga tinamaan ng halibas ni PNoy noong kanyang SONA. Matatandaang nag-resign si Biazon matapos pasaringan ng Pangulo ang Bureau of Customs noon. Hindi tinanggap ang pagbibitiw niya pero naghain din ng irrevocable resignation si dating Army Gen. Danilo Lim na dating hepe ng Customs intelligence.
Nitong nakaraan lang, nakakuha ng temporary restraining order (TRO) ang mga tatamaan sa pagpasok ng mga bagong mukha sa ahensiya. Pero hindi po roon natatapos ang kuwento.
Ayon sa ating mga impormante, ang dalawang dating commissioners na ‘malakas bumulong’ kay Finance Secretary Cesar Purisima ay sina Joselito Alvarez at Bert Lina. Sila raw ang nasa likod sa pag-upo ng naunang grupo na pinangunahan ni dating military chief Jessie Dellosa at ang kanilang appointments ay naaprubahan na mismo ni P-Noy.
Tulad ng isang tunay at tapat na sundalo, maluwag at “open hands” na tinanggap ni Biazon ang bagong appointees dahil pagtalima ito sa kautusan ng kanyang immediate boss na si Purisima at ang Pangulong Aquino na nagbigay sa kanya ng tinatawag na blanket authority upang isulong ang mga tunay na programang pangreporma sa BoC.
Pero baka naman PORMA lang ‘yan, kuyang?
Nananatiling bakante pa rin ang puwesto na iniwan ni Lim dahil ginawa lamang na temporary head dito si Dellosa na naitalaga bilang Deputy Commissioner for Enforcement Group kapalit ni Horacio Suansing, Jr.
Bukod kay Dellosa, ang mga inirekomenda ni Purisima na kasabay na inaprubahan ng Pangulo ay sina Primo Aguas bilang Deputy Commissioner for Management Information Systems and Technology Group; Director Myrna Chua ng Department of Budget and Management bilang deputy commissioner for Internal Administration Group; Agaton Teodoro Uvero bilang deputy commissioner for Assessment and Operations Coordinating Group; at Finance Assistant Secretary Ma. Edita Tan bilang deputy commissioner for the Revenue Collection Monitoring Group. Si Alvarez ang dating Customs na pinalitan ni Biazon makaraang ang una ay ma-involve sa nawawalang halos 2,000 container vans sa Port of Manila noong 2011. Balita rin na may ‘sosyohan’ ang tatlong personalidad (Purisima, Alvarez at Lina). Kung ano man negosyon ‘yon ay aalamin po natin.
Joel M. Sy Egco