NARAMDAMAN na ng lokal na merkado ang negatibong epekto ng government shutdown sa Amerika.
Sa pangatlong araw kahapon ng federal budget stalemate, bumagsak nang mahigit 28 points ang Philippine Stocks Exchange (PSE) index sa 6,333.91 dakong 9 a.m.
Ayon sa ilang stocks analysts, ang matamlay na performance ng merkado ay dulot ng kawalan ng “market-moving news” sa overseas markets, partikular sa Amerika na ang Wall Street ay bumagsak nang mahigit 50 points.
Pinangangambahan pang lalala ang sitwasyon kapag tuluyang mag-default o mabigo ang Amerika na mabayaran ang loans nito dahil walang pinanghahawakang pondo.
Tinukoy ng iba na ang nararanasang epekto sa lokal at iba pang Asian markets ay “domino effect” lamang ng nangyayari sa Amerika.
Una nang inamin ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Amando M. Tetangco, Jr., na siguradong magdudulot ng “excessive volatility” sa world’s financial market kapag hindi agad naresolba ng Obama administration ang budget deadlock.
Gayonman, sinabi ni Tetangco na tiwala ang gobyerno sa katatagan ng ekonomiya ng bansa para masagkaan ang epekto ng US budget stalemate.
(HNT)