NANINIWALA si Sen Miriam Defensor-Santiago na guilty si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa culpable violation ng Konstitusyon at bribery nang payagan ang paglalabas ng pondo mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Santiago, naging RTC judge, maaaring kasuhan ng impeachment ang Pangulo dahil ang pamumudmod ng pondo mula sa DAP ay maituturing na panunuhol sa mga senador kaugnay ng impeachment trial kay dating Chief Justice Renato Corona.
Ngunit aminado ang mambabatas na hindi uusad ang ano mang reklamong impeachment kung may maghahain laban sa Pangulo dahil kontrolado ng punong ehekutibo ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Kapag isinulong aniya ng mga kongresista ang impeachment, maaari rin silang makasuhan ng accessory to the crime dahil kasama sila sa nakinabang sa pondo.
(CYNTHIA MARTIN)
NAGWALDAS NG DAP MANANAGOT — PALASYO
TINIYAK ng Palasyo na mananagot sa batas ang sino mang mapatutunayang nagwaldas sa multi-bilyong pondo ng Disbursement Acceleration Program (DAP), tulad din ng ginawa ng administrasyong Aquino sa mga sangkot sa P10-B pork barrel scam.
Ayon kay Communications Secretary Ricky Carandang, nagsasagawa na ng audit ang Commission on Audit (CoA) hinggil sa paggasta ng DAP funds at sakaling may matuklasang anomalya sa paggasta nito ang kawanihan, kakasuhan din ang mga responsble sa katiwalian.
Matatandaang umani ng batikos ang pamumudmod ng Palasyo ng mahigit isang bilyong pisong pondo ng DAP sa mga mambabatas, ilang buwan matapos mapatalsik si dating Chief Justice Renato Corona.
(ROSE NOVENARIO)