Isang unibersal na batas ang salitang karma na kasing-kahulugan na ang masasamang ginawa ng isang tao ay pagbabayaran niya kapag dumating na sa sukdulan. Katumbas ng terminong iyan ang sinasabi sa Biblia na kung ano ang itinanim ng tao ay aanihin niya ito. Nagtanim ka ng mabuti, aani ka ng mabuti. Nagtanim ka ng masama, aani ka ng masama. Iyan ay hindi puwedeng matakasan ng isang tao ano man ang kanyang paniniwalang pang-relihiyon o wala man siyang pinaniniwalaang pang-ispiritwal o ano man ang katayuan niya sa buhay.
Puntahan natin itong mga opisyal ng gobyerno na diumano’y nagsabuwatan sa “sampung bilyong piso na pork barrel scam” na sinasabing ang nagmani-obra at utak nito ay si Janet Napoles. Sang-ayon sa resulta ng imbestigasyon ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno ay matagal na panahon na ginagawa nila ang ganitong klaseng krimen. Hindi nila akalain na darating ang ganitong pagkakataon na maaakusahan sila ng pangungulimbat (plunder) sa pera ng taumbayan. Hindi ba iyan ay isang karma?
Isang maliwanag na halimbawa ay itong ilang senador na ang kasong plunder ay nakahain sa Ombudsman. Napakarami ng paliwanag at pagtatangka silang ginawa para ang akusasyon sa kanila ay mapasinungalingan nila at mapahupa ang galit ng taumbayan. Idagdag pa rito ang ginawa ng isang senador na maibaling sa iba ang atensiyon ng tao sa pamamagitan ng privilege speech, pero mas marami ang hindi kumagat dito. Hindi ba iyan ay isang karma?
“Vox Populi, Vox Dei” – “Ang tinig ng bayan ay tinig ng Diyos.” Ang kasabihang iyan ay aplikableng-aplikable sa “pork barrel scam.” Dumating na sa sukdulan at naubos na ang pasensiya ng taumbayan. Kaya’t nang manawagan ng malaking rally sa Luneta ay napakakapal ng dumalo na iba’t ibang klseng tao sa lipunan. At ang masakit para sa mga mambabatas na ito na nakasuhan ng plunder o pangungulimbat ay guilty na sila sa mata at paghatol ng taumbayan. Hindi ba iyan ay isang karma?
May kasabihan din na kapag ang Diyos ay nagalit sa isang tao ay ginagawa NIyang mangmang o kaya’y parang baliw ito. Iyan naman ang sinasabi sa Biblia na isang uri ng tao na ipinahintulot ng Diyos sa paggawa ng mga kamalian. Kaya habang nangangatuwiran ang ganiyang uri ng tao, ang sabi nga, ay lalo lang nababaon sa hukay. Ano kaya ang masasabi rito ng mga senador, mga mambabatas, ilang opisyal ng gobyerno at ni Janet Napoles? Hindi ba iyan ay maliwanag na karma? Ang sagot ko at sagot ng taumbayan – ISANG MATINDING KARMA.
***
Para sa mga katanungan at suhestiyon ay tumawag o mag-text sa 0927-713-10-49.
ni Peter Talastas