Friday , January 10 2025

San Mateo (Rizal) TEG, dapat na kilalanin!

KUNG may mga pararangalan ngayon na naglilingkod sa bayan, dapat na isama at kilalanin ang kabayanihan ng mga traffic enforcer ng San Mateo sa lalawigan ng Rizal.

Oo nga’t trabaho nilang patinuin ang trapiko sa lugar pero kakaiba ang grupo ng traffic enforcement dito na kabilang sa Traffic Enforcement Group ng munisipyo ng San Mateo. Bakit?

Saksing buhay po tayo sa araw-araw – sa mahigit na sampung buwan pagdaan sa highway ng San Mateo, buhay ang nakita kong puhunan ng mga enforcer dito para patinuin ang trapiko sa lugar.

Ayaw ko sana magkompara ngunit talagang hindi maiwasan – ibang klase talaga ang TEG ng San Mateo kompara sa MMDA traffic enforcement na nagkalat sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Itong mga taga-MMDA ay kaunting ulan lang ay nawawala na sila pero kapag hindi naman umulan  e,  masisipag sila. Saan sila masipag? Mangotong?

Honestly, noon una ay hindi ko pinapansin ang pagpapatino sa trapiko ng mga taga-TEG dahil nga sa iyan talaga ang kanilang trabaho. Pero ewan ko nga lang kung sapat ang bayad sa kanila ng lokal na pamahalaan.  Marahil naman siguro.

Huwag na natin pag-usapan ang suweldo nila at sa halip ay talagang hindi maiwasang saludohan ang mga taga-TEG. Bayani rin kasi kung maituturing.

Opo, buhay ang nakita kong puhunan ng mga taga-TEG para sa bayan.

Alas-singko pa lamang ng madaling araw ay nasa lansangan na sila – sa kahabaan ng San Mateo Road mula San Mateo Road corner Batasan Road hanggang sa munisipyo ng San Mateo.

Ang lansangang ito ay busy road talaga …as in busy at may kakiputan. Daan-daang sasakyan o maaaring libo-libo rin ang dumaraan dito na motorista.

Sa nabanggit na oras ay abala na ang mga enforcer sa pagpapatino ng trapiko at ito ay hindi lang hanggang pagsikat  ng araw kundi hanggang gabi. Hindi hanggang ala sais ha, kundi umaabot pa sila hanggang alas diyes ng gabi.

Ba’t natin nasabing dapat silang parangalan. Magpunta po kayo roon at magsagawa ng sariling obserbasyon para masaksihan ninyo.

Ngunit, kung ako ang tatanungin batay sa obserbasyon ay nararapat lang silang parangalan o ituring na bayani. Bakit?

Aba’y umulan man o bumagyo ay naroon sila sa pagkukumpas para patinuin ang trapiko. Yes, kahit na bumaha na ay nasa lansangan at nakababad ang paa sa baha lalo na ang mga nakatalaga sa Ampid Road, Barangay Ampid I, San Mateo.

Hindi matatawaran ang kabayanihan ng mga taga-TEG. Minumura rin at sinisigawan pa nga sila ng ilang loko-lokong motorista  na gustong makalusot agad pero itong sina Kuya Enforcers ay may mahahabang pasensiya. Nginingitian na lamang nila ang mga hunghang na motorista.

Dahil sa mga nasaksihan ko, hindi rin ako nakatiis at sa halip ay nagsagawa ako ng mga pagtatanong sa mga enforcement para maisulat naman ang kanilang kabayanihan.

Dalawang grupo pala ang traffic enforcers ayon naman kay Frank ng OPSS. Iyong mga nasa kahabaan ng San Mateo Road ay TEG na pinamumunuan ni G. Edwin Fortes at nasa ilalim naman ng tanggapan ni G. Nilo Gomez bilang head ng Office of Public Safety and Security (OPSS).

Habang ang nasa Ampid Road, Barangay Ampid 1 ay mismong si Ampid 1 Chairman Nick Cruz na namumuno rito.

Ang galing mo Kap ha!

At siyempre, ang lahat – lalo na ang pagsasaayos ng daloy ng mga sasakyan para sa kabutihan ng lahat ay batay na rin sa direktiba ni San Mateo Mayor Rafael “Paeng” Diaz.

Ano pa man, kudos tayo sa mga traffic enforcer ng San Mateo. Walang bagyo-bagyo sa kanila. Ang gagaling n’yo! Sana dumami pa ang lahi n’yo!

Almar Danguilan

About hataw tabloid

Check Also

Rank no 9 MWP ng Laguna arestado

Rank no. 9 MWP ng Laguna arestado

NADAKIP ang lalaking nakatalang pangsiyam na most wanted person sa provincial level sa isinagawang joint …

Arrest Shabu

3 high-value drug pusher sa Pampanga tiklo P.68-M shabu nasabat

NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong nakatalang high-value individuals (HVI) at nasamsam ang tinatayang 100 …

Sa anti-crime drive ng Bulacan PNP 17 TIMBOG, P80-K DROGA NASABAT

Sa anti-crime drive ng Bulacan PNP
17 TIMBOG, P80-K DROGA NASABAT

ARESTADO ang 17 indibiduwal na binubuo ng pitong personalidad sa droga, pitong wanted na kriminal, …

4 NBI employees, 7 fixers inaresto sa NBI clearance center

4 NBI employees, 7 fixers inaresto sa NBI clearance center

ALINSUNOD sa atas ni National Bureau of Investigation (NBI) Director (ret) Judge Jaime B. Santiago …

Aksyon Agad Almar Danguilan

QC-LGU, may paaginaldo pa sa QCitizens

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAPOS na ang Pasko…at heto nga Bagong Taon — 2025 na, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *