HINAMON ni Pangulong Benigno Aquino III kahapon ang mga kritiko na sampahan siya ng impeachment case kaugnay sa pamamahagi ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program fund.
Sa harap ng mga mamamahayag, kinontra ni Aquino ang pahayag nina dating Senador Joker Arroyo at Senadora Miriam Defensor-Santiago na ang DAP releases ay illegal at unconstitutional at maaaring magamit bilang ground para sa impeachment.
“Isulong nila kung palagay nilang tama sila pero kakabasa ko lang sa Constitution, meron authority sa savings to put to other uses basta nandoon sa ating budget. Nakatoka naman ‘yun supposed to be for projects that are already authorized by Congress. Since they were both senators, one would assume that they would either supportive of the budget or they were not successful to alter the budget,” pahayag ni Aquino.
Itinanggi niyang ang DAP ay ginamit bilang suhol sa mga senador makaraan ang Corona trial.
Ang kontrobersya sa DAP ay nagsimula nang ibunyag ni Senador Jinggoy Estrada na may mga senador na tumanggap ng P50 million mula sa DAP funds makaraan ang impeachment trial kay dating Chief Justice Renato Corona.
(ROSE NOVENARIO)
BSA PUMALAG SA BANSAG NA ‘PORK BARREL KING’
BUMUWELTA si Pangulong Benigno Aquino III sa bansag ng mga kritikong siya ang “pork barrel king.”
Sinabi ng Pangulong Aquino, napakarami ng mga nagawang reporma gaya ng pag-iwas sa re-enacted budget at pagbawas ng kakayahang mamudmod o diskresyon.
“Ulitin natin ha, “Pork Barrel King.” So, dati reenacted budget. ‘Yung reenacted budget meron nang natapos na proyekto, programa— savings. Ayaw natin ng reenacted budget either in full or in portion. Pinilit natin ma-enact ‘yung budget at the right time para wala na nga ‘yung kakayahan na magkaroon ng pondong biglang ipamumudmod,” ani Pangulong Aquino.
“So ulitin na naman natin, ano, tinanggal ko na naman ‘yung kakayahan ko na mamudmod, di ba, binawasan ko. Walang namilit sa akin. Walang nagturo sa akin niyan, walang nag-insist, di ba, pero ginawa ko. So marami na akong ginawa e tapos tatawagin nila akong “Pork Barrel King,” medyo, sa totoo lang, Executive ‘yung gagastos ng national budget, okay, napaka-ingat natin kung paano gastusin.”