Nagpakitang gilas si Li Bo ng China matapos tanghaling kampeon sa Hong Kong International Open Chess Championships 2013 na ginanap sa Convocation Room, Main Building room 218, The University of Hong Kong, Pok Fu Lam Road, Hong Kong.
Nakalikom si Li ng 7.5 puntos sa pagtatapos ng laro, may tatlong manlalaro naman ang nakaipon ng tig 7.0 puntos na kinabibilangan nina top seed International Master Marcos Llaneza Vega ng Spain (2nd place), Grandmaster Wong Meng Kong ng Singapore (3rd place) at National Master Nelson Villanueva ng Pilipinas (4th place).
Sa crucial ninth at final round nitong Martes, may matinding tensiyon na naganap sa top board games kung saan may limang manlalaro na nakatutok sa coveted championships’ trophy.
Nasayang lamang ang kalahating puntos na angat ni overnight leader IM Llaneza Vega matapos makalasap ng talo kay GM Wong na nagbigay daan kay Li na makopo ang titulo ng ikamada ang panalo sa kababayang si Zhang Xiaopeng.
Si Villanueva na tubong Bacolod City ay nakaungos sa kababayang si Fide Master Hamed Nouri at sapat para makisalo sa ika-2 puwesto sa 69 player’s field na nilahukan ng mga manlalaro na galing sa bansang Pilipinas, China, Spain, Japan, Indonesia, Singapore, Chinese-Taipei, Republic of South Africa, Vietnam, Malaysia, Australia, Macau, Nepal at Hongkong.
Nito lamang nakaraang buwan ay tumapos si Villanueva ng strong runner-up finish sa Sabah Grande Chess Open 2013 sa Sabah, Malaysia na pinagharian naman ni Filipino IM Oliver Dimakiling ng Davao City.
Sa isang banda, nagwagi sina National Masters Roel Abelgas at Deniel Causo ng Pilipinas sa kani-kanilang katungali sa final canto tungo sa 5th hanggang 6th places na may tig 6.5 puntos.
Si Abelgas ang 2013 Malaysian Chess Festival Blitz Champion nitong Agosto sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nanatili naman si Nouri sa 5.5 puntos na kaparehas na naitala ni Woman Fide Master Marie Antoinette San Diego na kinaldag si Lai Cyrus Ho-Yeung ng Hongkong.
Si Nouri, tubong Escalante City, Negros Occidental at kasalukuyang nakabase sa Taguig City ay overall 10th place habang si San Diego ay overall 15th place matapos ipatupad ang tie break points.
Tabla lamang ang nangyari sa laban ni World Youngest Fide Master at Seven Year Old Alekhine Nouri ng Pilipinas kontra kay Mark Law ng Hong Kong tungo sa overall 40th place finish na may apat na puntos. (Lovely Icao)