TINANGHAL na kampeon sa magkahiwalay na dibisyon sa katatapos na 3rd Leg Juvenile Stakes race ang Up and Away at River Mist sa ginanap na karera sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite kamakalawa ng hapon.
Kapwa tumanggap ng tig-P.6 milyon na premyo sina Horse Owner Ruben Dimakuha para sa kanyang alagang Up and Away at Horse Owner Ex Congressman Jeci Lapuz, ng Stormbred Farm Inc. para naman sa pagkakapanalo ng kanyang alagang si River Mist.
Unang binigo ni Up and Away ang super llamadong si Kukurukuku Paloma na nangulelat sa laban dahilan upang magbigay ng malaking dibidendo na mahigit sa P54,000 sa quartet event mula sa anim na kalahok na naglaban-laban sa tagpo ng Fillies Division.
Pumangalawa sa laban ang dehadong Roman Charm ni Cong Lapuz na tumanggap ng P225,000 at pumangatlo si Priceless Joy na pinagkalooban ng P125,000 at pang apat sa datingan ang alaga ni horse owner Raymond Puyat na si Pure Enjoyment, na nagkamit naman ng premyong P50,000.
Sa pagbukas pa lang ng starting gate ay hindi na nakaporma ang Kukurukuku Paloma sa patnubay ni Jockey Val Dilema nang kunin ni Jockey Jonathan Hernandez ang unahan na siyang may dala kay Priceless Joy habang agad naman kinuha ang ikalawang puwesto ng Up and Away.
Naging mahigpit ang labanan ng dalawang nasa unahan habang nakabuntot bilang pangatlong puwesto si Roman Charm at Kukurukuku Paloma hagang sa kunin ang liderato ni Jockey Marl Alvares para ihatid sa tagunpay ang Up and Away.
Ipinakita ni Jockey Jeff Zarate ang kanyang husay sa ibabaw ni River Mist mula sa mahigpit nitong katunggaling Matang Tubig sa huling 50 meters na karera para sa Colts Division na lubhang nagpaangat sa mga puwetan ng mga kareristang nakasaksi sa laban.
Pumangatlo sa puwesto ang alaga ni Hermie Esguera habang pumang-apat sa puwesto ang Young Turk ng Lapus stable.
Inaasahan ang mga naturang kalahok na maghaharap sa Juvenile championship na gaganapin bago matapos ang taon.
Ni andy yabot