DAVAO CITY – Ang grupo ng New People’s Army (NPA) ang itinuturong responsable sa pagpatay sa isang barangay kapitan sa Brgy. Kadalian, Baguio district, lungsod ng Davao.
Knilala ang biktimang si Kapitan Alex Angko, binaril ng armadong kalalakihan sa loob ng kanyang farm sa nasabing barangay.
Naniniwala si Chief Insp. Ernesto Castillo, hepe ng Baguio Police Station, ang Front Committee 54 sa pangunguna ni Ka Marques o Ka Marvin, ang nasa likod ng pagpatay sa kapitan.
Base sa imbestigasyon, dalawang armadong tao ang lumapit kay Kapitan Angko at binaril sa kanyang dibdib.
Hindi pa nakontento ang mga suspek, binalikan at niratrat pa ang duguan at nakahandusay nang biktima.
Sinasabing may matagal nang banta sa buhay ang biktima mula sa NPA.
Naniniwala si Castillo na ang pagka-aktibo ng kapitan sa pagpapatupad ng peace and development program ng militar ang naging dahilan upang magalit sa kanya ang mga rebelde.
Nangyari ang krimen sa ikalawang araw ng pagpapatupad ng Comelec gun ban.