MISTULANG pinapakalma muna ng Malacañang ang umiinit na batuhan ng putik sa Senado hinggil sa pagkakalustay at pag-abuso sa pork barrel fund.
Nagsimula ang palitan ng alegasyon nang magsagawa ng privilege speech si Sen. Jinggoy Estrada at ibulgar ang sinasabing P50 milyon sa ilang piling mambabatas habang P100 milyon naman kay Senate President Frank Drilon matapos ma-convict si dating Chief Justice Renato Corona.
Bukod sa mga senador na nagbigay ng guilty verdict, sinasabing tumanggap din ng dagdag P15 milyon pork barrel ang mga kongresistang tumayong prosecutors ni Corona sa impeachment trial.
Una nang itinanggi ni DBM Sec. Butch Abad na suhol o regalo sa mga nagsulong sa Corona impeachment, bagkus ito raw ay Disbursement Allocation Program (DAP) para sa mga proyektong makatutulong sa economic expansion.
Sinabi naman ni Presidential Communications Sec. Ramon “Ricky” Carandang, iiwas muna silang magbigay ng mga komentong magpapalala sa batuhan ng alegasyon.
Ayon kay Carandang, hindi makatutulong kung makisawsaw pa sila sa mga nagbabangayang partido.
Mayroon naman aniyang prosesong sinusunod alinsunod sa Saligang Batas para maresolba ang mga alegasyon.
“Ang masasabi ko lang meron po tayong prosesong sinusunod, ano, kaalinsunod sa ating Konstitusyon, and we will refrain from making any comments that could be construed as provocative at this time. Hindi naman siguro po makakatulong kung makisawsaw kami diyan sa mga exchange of comments between different parties,” ani Carandang.