NANINDIGAN si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa kanyang opinyon na hindi pa napapanahon ang pagdalo ni Janet Lim-Napoles sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng kontrobersyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Sa kanyang sagot sa pangalawang sulat ni Senate President Franklin Drilon, tahasang sinabi ni Morales na wala siyang balak baguhin ang naunang pahayag na tutulan ang pagharap ni Napoles sa Senado sa gitna ng pagpupumilit ni Senate blue ribbon committee chairman Teofisto Guingona III.
“Cognizant of the import of the jurisprudence cite by Senator Guingona III, which jurisprudence was early on considered in arriving at my comment in my September 23, 2013 letter to you that under the therein stated considerations, it would not be advisable at this time, for Mrs. Napoles to testify on what (she) knows about the alleged scam. I am not inclined to modify said comment,” bahagi ng sulat ni Morales kay Drilon.
Nilinaw naman ni Morales na hindi ito hamon sa kapangyarihan ng Senado ngunit bahala na aniyang magpasya ang mga miyembro ng kapulungan.
“That the Senate is supreme in its own sphere was never meant to be challenged. I thus submit to the collective wisdom of its members,” ayon pa kay Morales.
Ang sulat ng Ombudman ay inilabas kahapon ng Senate Public Relations and Information Bureau ngunit may petsang September 27 pa.
Magugunitang hindi pinirmahan ni Drilon ang subpoena para kay Napoles dahilan upang umapela si Guingona sa liderato ng Senado na naging dahilan naman ng pangalawang sulat ni Drilon sa Ombudsman.
Si Napoels ay sinasabing isa sa itinuturong mastermind sa eskandalo sa Priority Development Assistance Fund o pork barrel sa pakikipagkuntsaba sa mga mambabatas.