KAILANGANG makaalpas sa matinding depensa si Mario West at makabawi sa masagwa niyang performance sa series opener upang makatabla ang Meralco sa SanMig Coffee sa Game Two ng 2013 PBA Governors Cup best-of-five semifinals series mamayang 7:15 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Si West, isa sa pinakamatinding scoring imports sa torneo, ay nalimita sa siyam na puntos sa Game One noong Linggo kung saan pinayuko ng Mixers ang Bolts, 83-73 para sa 1-0 kalamangan.
Hangad ng Mixers na maipagpatuloy ang depensa kontra kay West upang magkaroon ng commanding 2-0 bentahe at mapalapit sa best-of-seven Finals.
Nais ni SanMig Coach Tim Cone na muling maigiya sa Finals ng Governors Cup ang kanyang koponan at makabawi sa pagsegunda nila sa Rain or Shine noong nakaraang season.
Maganda sana ang naging umpisa ng Meralco noong Linggo dahil nakuha ng Bolts ang first quarter, 22-18 at nakalamang pa sa halftime, 38-37 sa kabila ng anemic performance ni West.
Pero hindi na nila napangalagaan ang unahan nang sila’y malampasan ng Mixers, 57-55 sa pagtatapos ng third quarter. Sa fourth period ay tuluyang lumayo angSanMig Coffee upang magwagi.
Sa kabila ng pagkatalo ay naniniwala si Meralco coach Paul Ryan Gregorio na kaya nilang makabawi at ibaba ang serye sa best-of-three. “We just have to stick to our game plan,” aniya.
Nakaseseguro naman ang Bolts ng pinakamataas nilang placing sa siyam na conferences bilang miyembro ng PBA. Subalit ayaw ni Gregorio na makuntento ang kanyang mga bata.
Mas balanse ang opensibang ipinamalas ng Mixers kung saan apat na manlalaro ang nagtapos nang may double figures sa scoring,
Sila’y pinangunahan ni Joe Calvin DeVance na nagtala ng 17 puntos. Ang import na si Marqus Blakely ay gumawa ng 15 samantalang ang two-time Most Valuable Player na si James Yap at ang rookie na si Alex Mallari ay nag-ambag ng tig-12 puntos.
Bukod kay West ay nadepensahan din ang mga scorers ng Meralco na sina Mark Cardona at Reynel Hugnatan na nalimita sa tig-anim na puntos.
Ang Bolts ay pinangunahan ni Clifford Hodge na kumamada ng 19 puntos. Nagdadag ng 12 si Mike Cortez at 10 si John Wilson.
Ang magwawagi sa seryeng ito ay makakalaban ng mananalo sa kabilang semifinals series sa pagitan ng Rain or Shine at Petron Blaze sa best-of-seven Finals.
(SABRINA PASCUA)