Dalawang dating commissioner ng Bureau of Customs (BoC) ang umano’y tagabulong kay Finance Secretary Cesar Purisima kung sino ang maaaring ma-appoint sa matataas na puwesto sa ahensya tulad na lang ng naunang grupo na pinangunahan ni dating military chief Jessie Dellosa na naaprubahan mismo ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon sa source, ang nasabing mga kilalang negosyante ay sina Joselito Alvarez at Bert Lina na parehong naging Customs chiefs. Ang una ay ang pinalitan ng kasalukuyang namumuno sa BoC na si Commissioner Rozzano “Ruffy’ Biazon.
Tulad ng isang ‘tunay at tapat na sundalo,’ napag-alaman na maluwag at ‘open hands’ na tinanggap ni Biazon ang mga bagong appointees bilang pagtalima umano sa kautusan ng kanyang immediate boss na si Purisima at Pangulong Aquino na nagbigay sa kanya ng tinatawag na blanket authority upang isulong ang mga tunay na programang pangreporma upang ganap na maiayos ang ahensya lalo na sa suliraning smuggling at pagpapaigting ng revenue collections.
Samantala, nananatiling bakante ang puwesto na iniwan ni retired Gen. Danilo Lim bilang deputy commissioner for intelligence dahil ginawa lamang na temporary head nito si Dellosa na naitalaga bilang Deputy Commissioner for Enforcement Group kapalit ni Horacio Suansing, Jr.
Bukod kay Dellosa, ang mga nairekomenda ni Purisima na kasabay na inaprubahan ng Pangulo ay sina Primo Aguas bilang deputy commissioner for Management Information Systems and Technology Group; Director Myrna Chua ng Department of Budget and Management bilang deputy commissioner for Internal Administration Group; Agaton Teodoro Uvero bilang deputy commissioner for Assessment and Operations Coordinating Group; at Finance Assistant Secretary Ma. Edita Tan bilang deputy commissioner for the Revenue Collection Monitoring Group.
Nauna nang napa-ulat na sina Alvarez at Lina ay may basbas o kinalaman umano sa bagong appointees ni Purisima, na ang kagawaran nito ay may saklaw sa BoC, dahil na rin sa pagiging malapit ng isa’t isa bilang mga close business associates.
Si Alvarez ang dating Customs chief na sinabak sa puwesto ni Pangulong Aquino at kanyang ipinalit si Biazon makaraang ang una ay ma-involve sa nawawalang halos 2,000 container vans sa Port of Manila noong 2011 na tinatayang may P240-milyon ang dapat na pumasok sa kaban ng bayan.
Napag-alaman pa rin na ang tatlo (Purisima, Alvarez at Lina) ay may tinatawag na “something in common” dahil sila umano ay may mga “interlocking interests” sa mga negosyo na sila ay magkakasosyo.
Malaki ang naging papel ng tatlo ay/sa pagtakbo at pagkapanalo ni Aquino noong 2010 Presidential elections dahil umano’y sila ay main contributors sa campaign kitty ng Presidente.
Samantala, sinabi ni Biazon na sobrang willing siya na makatrabaho sa ahensya ang sinumang tao lalo na ang mga bagong appointees na may basbas mismo ng Pangulo.
“A fresh team could provide a fresh perspective and approach to the challenges of the bureau,” ayon kay Biazon sa isang pahayag.
Kamakailan lang, inatasan mismo ni Biazon sa pamamagitan ng isang customs personnel order ang lahat ng opisyal at kawani ng ahensya na bumalik na sa kani-kanilang mga mother units bilang bahagi ng isinasagawang major revamp sa BoC.