MARAMI ang nagsasabi na napapanahon na para magpatawag ng isang snap election si Pangulong Noynoy Aquino sa lahat ng posisyon sa bansa kabilang na ang kanyang hinahawakang puesto bilang pinuno ng estado dahil malinaw na nadungisan na rin ang kanyang pangalan at kredibilidad matapos ibulgar ni Senador Jinggoy Estrada na nagpamudmod ng P50 milyon kada senador na bumoto para sa impeachment ni dating chief justice Renato Corona.
Mukhang ito ngayon ang damdamin at pulso ng nakararaming mamamayan ng ‘Pinas na nananatiling naghihirap dahil halos lahat na yata ng ahensiya at sangay ng pamahalaan ay nabahiran na ng dungis at mantsa ng korupsyon na ikinabagsak ng kredibilidad sa taong bayan.
Halatang wala na rin tiwala ang tao sa lahat ng opisyal ng pamahalaan maging halal o appointed man dahil bukod sa findings ng COA sa mga sandamukal na paglulustay ng pera ng bayan ay naglalaglagan na rin sila sa plenaryo ng Senado noong nakaraang linggo.
Sa panig ng Senado at Kamara, bumagsak ang imahe at paggalang ng tao sa ating mambabatas dahil sa bilyon-bilyong pork barrel scam na malaking porsiyento ng mga kasapi nito ay sabit o kasapakat sa paggahasa sa pera ng bayan.
Unang pumutok ang pangalan nina senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bongbong Marcos at Bong Revilla sa mga sangkot sa pork barrel scam, gamit ang NGO ni Janet Lim Napoles,tinaguriang pork barrel queen.
Hindi naman pumayag si Jinggoy Estrada na sila lamang ang masabit at mahoyo kaya’t ibinulgar din nila ang ilan pa niyang kasamahan na sangkot din sa pork barrel scam na sina Manny Villar, Allan Cayetano, Kiko Pangilinan at Miriam Defensor Santiago.
Sa findings din ng COA, sandamukal na kongresista ang lumustay rin sa pera ng bayan gamit din ang mga pekeng NGOs. Nabulgar rin ang P6 milyong Jollibee ni Cong. Neptali Gonzales ng Mandaluyong, isa sa lider ng Liberal Party sa Kamara at ang pagbibigay ni dating kongresista Bem Noel, kinatawan ng partylist na An Waray at isa sa kumilos sa impeachment ni dating chief Justice Renato Corona ng P25 milyon sa Mandaluyong City gayong kilala ang naturang lungsod na mayaman o nakasasagana.
Pinalala pang lalo ang sitwasyon matapos kwestiyonin ng mga kongresista na kaanib sa bloke ng Makabayan ang paggugol ng Palasyo sa Malampaya Fund na umabot sa daan-bilyong piso.
Halalan ang sagot sa lahat ng usaping may kaugnayan sa kawalang tiwala sa lider ng estado at iyan ang dapat maganap dahil ang “daang matuwid” na gusto ni PNoy ay nagmistulang baluktot na daan matapos ang sunod-sunod na pagputok ng anomalya sa kanyang administrasyon.
Alvin Feliciano