MALAPIT na ang Barangay election. Kanya-kanya nang pormahan ang mga tatakbo.
Sa aming lugar sa Lico St. (Bgy 210), nagkakaisa ang mga oposisyon na pumili na lang ng isang panlaban kontra sa kasalukuyang nakaupong chairman.
One-on-one ang laban.
May dapat na ikakaba ang nakaupong Punong Barangay dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsama-sama ang mga residente mula sa dulo, gitna ng Lico St., Pamana, Anacleto at iskinita na kung saan tayo nakatira, para ipanlaban ang napagkaisahan at napiling kandidatong si JON JON ROSAL.
***
Medyo nakakabagabag ang isinulat ni Manny Pinol sa PhilBoxing.com na lumabas nitong Linggo.
Ayon sa kanya, punung-puno raw ng distraksiyon ang unang bahagi ng traning ni Manny Pacquiao sa GenSan.
Unang distraksiyon ay ang hindi pagsipot ng kanyang inisyal na sparring partner na si South Korean junior welterweight Min Wook-Kim sa Pilipinas na dapat ay dumating na nitong Miyerkoles.
Nagkaroon daw ito ng problema sa kanyang manager.
Isa pang malaking problema ni Manny ay ang parating na Barangay election. Balitang dinudumog siya ng mga kandidatong taga Saranggani province para humingi ng financial support para sa kanilang kandidatura.
Ayon pa sa report, masyado nang naiistorbo si Pacquiao na kahit na gabing-gabi ay meron pa ring mga bisita sa kanyang mansion sa GenSan.
Oops. Nakakakaba nga. Krusyal at kritikal kasi ang magiging laban niya kay Bam Bam Rios sa Nobyembre. Dito nakasalalay ang kanyang boxing career kung susulong o uurong na.
Aba’y hindi dapat maging hilaw ang kanyang kabuuang ensayo.
Alex Cruz