Sunday , December 22 2024

‘Pinas, nilalapastangan na ng China

MASAHOL na ang paglapastangan ng China sa kasarinlan at teritoryo ng ating bansa. Obvious na obvious na nga e pero … tameme pa rin ang gobyerno. Kunsabagay, hirap din makipagsabayan sa Tsina. Mga rebelde na lamang sa Mindanao o Zamboanga City hanggang sa kasalukuyan ay hirap na ang gobyerno natin… makipagsabayan pa kaya sa Tsina. Naku po. Kaya tameme na lang si PNoy.

Ano pa man, sa budget hearing kamakailan para sa Defense department sa Lower House,  iniulat ni Sec. Voltaire Gazmin sa mga mambabatas na nagsisimula na ng konstruksiyon ang China sa karagatan ng Zambales na nasasakop ng economic zone na eksklusibo sa Filipinas.

Iyan na nga ba ang sinasabi natin —kapabayaan kasi iyan ng gobyerno o di kaya, kikilos lang ang gobyerno natin kapag—nandiyan na kaya?!

Balik tayo sa report ni Gazmin.

Ipinakita  ni Sec. Gazmin ang mga retrato na kuha ng ating Navy na nakita sa Panatag  (o Scarborough) ang mga kongkretong bloke na ginagamit sa pagsisimula ng konstruksiyon ng estruktura o gusali.

Idiniin ng kalihim na sa pangkabuuan ay maituturing na tahasang panghihimasok ang aktibidad ng China sa Panatag at baka ito pa ang pagsimulan ng malaking kaguluhan.

Aminado si Gazmin na kulang sa kagamitan at numero ang puwersa ng ating sandatahang lakas kaya hindi permanenteng natatauhan o hindi palaging natatanuran ang naturang lugar.

Nararapat at napapanahon ang madalas na pag-uusap ng Malacañang at White House para makalikha ng isang framework agreement na lalong magpapalakas sa kooperasyon ng ating bansa at ng US at para lalong mapabilis ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.

Pabor sa bahagi ng ating gobyerno ang pagkakaroon ng mas malaking bilang ng US troops dahil kailangan maipadama sa sentro ng kapangyarihan sa Beijing ang totoong presensiya sa bansa ng ating malakas na kaalyado.

Hindi ito pag-iimbita para sa giyera kundi isang marangal at buong kagitingang pagwawaksi sa anomang anyo ng malupit na digmaang maaaring sumiklab.

May mga taong marurunong sa batas at kasaysayan ang nagsasabi na baka raw mauwi ito sa muling pagkakaroon ng base ng US sa ating bansa.

Maaaring haka-haka lang ang mga pinagsasabi nila at mas dapat silang mangilabot sa mga larawang ipinakita ng Defense secretary – ang dahan-dahang pagkubkob ng puwersa ng China sa ating teritoryo na dapat nating ipagtanggol nang buong tapang, maging kapalit man ito ng ating dugo at buhay.

E ano naman kung manumbalik ang base militar ng Estados Unidos sa bansa, masama ba!? Ang hirap sa ating ilang kababayan o mga nagmamagaling diyan na tutol sa base militar ng dayuhan sa bansa, wala naman sila alam gawin kundi pumuna nang pumuna pero wala naman silang naitutulong sa kalagayan ng bansa lalo na para sa seguridad ng bansa laban sa mga higanteng bansa tulad ng Tsina.

Mabuti nga ito kung sakaling babalik o magtatayo uli ng base ang US sa bansa. Hindi lang seguridad para sa bansa o bawat Pinoy ang maitutulong nila kundi marami pa silang matutulungan – mabigyan ng trabaho.

Sa ngayon, ito bang mga tumututol ay nakatutulong nang literal sa bansa? Wala at sa halip, ang kanilang pagkontra ay isang hadlang para sa seguridad ng bansa laban sa mga nais kumamkam sa teritoryo ng bansa – tulad ng ginagawa ng Tsina ngayon. Marahil nga kung may base rito o kung hindi natanggap ang base noon sa Clark at Subic, marahil ay hindi tayo binu-bully ngayon ng Tsina.

Almar Danguilan

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *