DAHIL kay rookie Jaymar “CJ” Perez kaya isa sa pinakamainit na teams sa NCAA ngayon ang San Sebastian.
Inangklahan ni Perez ang Stags sa huling panalo nila kontra Lyceum of the Philippines kaya naman walang kaduda-dudang isinabit sa kanya ang ACCEL/3XVI NCAA Press Corps Player of the Week the week na suportado ng Gatorade.
Nginasab ng 19 anyos na taga-Pangasinan, Perez ang 28 puntos, 11 rebounds at tatlong steals upang sakmalin ng Stags ang four-game winning streak.
Ang hinangaan sa kanya ay nang bitbitin niya ang Mendiola-based SSC na wala ang key players ng kanilang koponan na sina Jamil Ortouste na nilalagnat, Leo de Vera na suspendido ng isang laro at Bradwyn Guinto na nagpapagaling.
Napatatag ng Stags ang pagkapit nila sa pang-apat na puwesto sa team standings sa record na 8-5, dalawang larong abante sa pumapang-limang Emilio Aguinaldo College matapos ang panalo nila sa nakaraang laro.
Binansagang “New Beast” na kapalit ni former San Sebastian Stag Calvin Abueva, si Perez ay minsang nagkakalat sa laro lalo na sa kanilang three game losing skid sa pagtatapos ng first round.
Subalit mabilis na naayos ni Perez ang kanyang pagkakalat sa second round nang magtala ito ng 19 points at 10 rebounds sa panalo nila kontra Mapua nung nakaraang Linggo bago kaldagin ang Pirates.
Ayon kay SSC coach Topex Robinson, naiintindihan niya ang mga sitwasyon ng rookie at inaasahan niya ito talaga.
Sambit naman ni Perez, ibinabalik lang nito ang tiwalang ibinibigay sa kanya ng kanyang coach at teammates.
Sa ligang punong-puno ng rookies si Perez ang isa sa mga kumikinang kung saan ay may average itong 14 points, eight rebounds at three assists per game.
(ARABELA PRINCESS DAWA)