MAAARI sigurong ikonsidera ni Jessica “Gigi” Reyes, ang chief of staff ni Senador Juan Ponce Enrile sa loob ng 25 taon, na tumestigo kung ano ang kanyang nalalaman sa ibinibintang laban sa kanyang dating amo na anomalya kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilala sa mabahong bansag nito na pork barrel.
Isa umano si Enrile sa nagpasasa sa multi-bilyong pisong pondo ng pork barrel, bintang na mahigpit na itinanggi ng kampo ng dating tagapagpatupad ng batas militar ni Ferdinand Marcos, Sr. Anang abogado ni Enrile, ang sinasabing pagkakasangkot ng senador sa scam ay bunga ng walang pahintulot na pagmamalabis sa tungkulin ni Reyes.
Dahil sa pahayag ng abogado ni Enrile nasabi tuloy ni Reyes sa kanyang Facebook account na: “If indeed these statements are sanctioned by or coming from my former boss, then nothing can be worse than this kind of travesty and betrayal.”
Idiniin pa ni Reyes na noong bago pa lamang ang eskandalo ay nakausap niya si Enrile at nangako na hindi siya pababayaan at paninindigan ang poder na ipinagkatiwala sa kanya.
“The last time I spoke to the Senator from abroad, he maintained that he will stand by the authority he issued to me and that all that I did was faithful and pursuant to his instructions. He even told me to be strong; that we will fight together to prove the accusations against us are false and fabricated,” sabi ni Reyes.
Si Reyes ay nasa tamang posisyon para isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman. Bilang dating chief of staff ni Enrile alam niya ang galaw sa loob ng opisina nito at ang kanyang mga isisiwalat ay maaaring ituring na A-1 information.
Siguro ito ang pagkakataon na dapat magbalik utang na loob si Reyes sa bayan sa pamamagitan ng pagbubunyag sa lahat ng pangyayari na may kaugnayan sa pork barrel.
* * *
Umiikot na siguro ang mundo ng mga konserbatibong prinsipe ng relihiyong Romano Katoliko sa ating bayan dahil sa ginagawang pagbasag ni Papa Francis sa mga maling batayan ng simbahan.
Tiyak ko na nagulantang ang marami sa mga miyembro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) nang sabihin ng mabunying pinuno ng simbahan na ang higit na dapat pagtuuanan ng pansin ay ‘yung mga isyu ng panahon tulad ng katarungang panlipunan, kahirapan at pag-ibig sa mundo.
Kung pipihuhin sinasabi ni Papa Francis na hindi dapat mabaog ang simbahan sa isyu ng abortion, gays, lesbians, bisexual and transsexual o divorce. Nasabi tuloy ni New York Cardinal Timothy Dolan na parang si HesuKristo kung magpahayag si Papa Francis.
“Pope Francis speaks like Jesus and is a breath of fresh air,” paliwanag ni Cardinal Dolan.
Mabuhay si Papa Francis.
* * *
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga isyu ng panahon ugaliing making sa podcastpilipinas.com/nelsonflores tuwing Huwebes alas 9 hanggang alas 10 ng gabi .
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores