Tiniyak nina Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Carlos Sorreta at Spokesperson Raul Hernandez na protektado ang mga interes ng estado at mamamayan sa negosasyon ng Maynila at Washington tungkol sa pagdaragdag ng bilang ng mga tropang Amerikano sa bansa.
Anila, hindi rin mamadaliin ang fourth round of talks na magaganap sa Oktubre 1 at 2 sa Maynila para lamang itaon sa pagbisita ni US President Barack Obama sa Oktubre 11 at 12 matapos magtagumpay ang third round of talks sa Washington kamakailan.
“Walang deadline kapag nakasalalay na ang kapakanan ng bansa at mamamayang Filipino,” ani Sorreta. “Nasa kalahatian pa lang ng pag-uusap ang matagal nang magkaalyadong Filipinas at Amerika at parehong nakikinig at napakasinop ng dalawang panig pagdating sa mga detalye ng kanilang binubuong framework agreement.”
Idinagdag ni Soretta, hindi resikito sa pagda-ting ni Obama ang pagpirma sa kasunduan at wala rin direktiba mula kay Pangulong Noynoy Aquino na bigyan na agad ng konklusyon ang negosasyon.
Kapag ipinatupad na ang kasunduan, magbibigay-daan ito para sa pagbisita sa bansa ng mas maraming US troops na magkakaroon ng mas madalas na joint military excercises kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasama rito ang pagkakaroon ng access ng mga puwersang Amerikano sa mga estratehikong lugar at dati nilang base-militar at maaari rin silang magtayo ng mga estruktura at pasilidad na kanila rin namang iiwan kapag nawala na ng bisa ang kasunduan.
Ayon sa mga eks-perto sa foreign relations at diplomacy, kai-langan na uli ng US na ipadama ang presensya nila sa South East Asia at Asia Pacific na napabayaan dahil sa pagtutok sa mga giyera sa Iraq at Afghanistan.
Napapanahon naman para sa bansa ang pagpapatupad sa mga nilalaman ng kasunduan dahil mapapabilis ang modernisasyon ng AFP at pambara rin sa ano mang gagawin pang ag-resyon ng China sa West Philippine Sea na malinaw sa kasaysayan at pandaigdigang batas na teritoryo ng Filipinas.