PINAULANAN ng bala ang main office ng Commission on Audit (COA) sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Sr/Supt. Richard Albano, dalawang bullet slugs ang narekober sa opisina ni CoA Assistant Director Nilda Plaras.
“Iyong mga nandoon sa kabila, mga 6 ‘o clock, may narinig na apat na putok. So ang nangyari nito, ang impression natin, may dumaan at pinaputukan ang building,” pahayag ni Albano.
Sinabi ni Albano na iniulat sa kanila ang insidente dakong 8:30 a.m. Sa pagresponde ng mga awtoridad ay naabutan nilang wasak ang glass windows ng opisina ni Plaras.
Ani Albano susuriin nila ang closed-circuit television (CCTV) camera sa Commonwealth Avenue kung nakunan ang mga suspek. Idinagdag niyang mayroon nang testigo ang pulisya na makatutulong sa imbestigasyon.
Sa pahayag ni CoA chief Grace Pulido Tan, sinabi niyang ipinauubaya nila sa Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa kaso. Aniya, hindi sila agad maglalabas ng conclusions upang hindi maapektohan ang pagsisiyasat.
“In any case, we will not allow this incident to cow us into silence nor defer us from faithfully discharging our constitutional duty. We owe this to God and the Filipino people. Please pray for the safety of every man and woman in the Commission and for continued courage and integrity,” pahayag ni Tan.
Naganap ang insidente sa kasagsagan ng imbestigasyon sa pork barrel scam na kinasasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim Napoles at ilang mambabatas.
Kamakailan ay nagpalabas ang CoA ng special audit report na nagbunyag na ilang mambabatas ang nagbigay ng kanilang pork barrel funds o Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa bogus non-government organizations na sinasabing binuo ni Napoles.
Si Napoles ay inaakusahang nagbuo ng pekeng NGOs sa pakikipagsabwatan sa mga mambabatas upang mai-bulsa ang public funds.
Isinampa na sa Office of the Ombudsman ang kasong plunder, graft at malversation laban kay Napoles, sa tatlong senador at ilang mga kongresista. (HNT)