ISINUMITE na ni Raymart Santiago noong Martes, Setyembre 24 ang 22 pahinang counter-affidavit sa Office of the City Prosecutor ng Marikina para pasinungalingan ang mga ibinibintang sa kanya ni Claudine Barretto. (Unang nagreklamo si Claudine ng pananakit o domestic violence laban kay Raymart. Humingi rin ito ng Permanent Protection Order (PPO) laban sa actor).
Ayon sa balita, naiyak ang actor matapos ibigay ang mga ebidensiya laban kay Claudine. Kasama sa mga iprinisintang ebidensiya ang picture na nagpapakita ng mga pasa niya sa iba’t ibang bahagi ng katawan na gawa umano ng dating asawang si Claudine. Kasama rin ang photos at videos na nagpapakita kay Claudine na umano’y gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Mapatutunayan din daw ito sa pamamagitan ng medical records na nagpapakitang naging positibo si Barretto sa isinagawang drug test gayundin ang pag-amin nito na ipinasok sa isang drug rehabilitation center.
Kasama rin sa ipinasang ebidensiya ng actor ang sworn statements mula sa mga kapatid ni Claudine na sina Gretchen, Marjorie, at J.J. Barretto. Ayon sa magkakapatid, nangangailangan ng professional help ang kanilang kapatid dahil sa paniwalang ito’y mentally ill.
Sa panayam kay Raymart, sinabito nitong nalulungkot siya sa mga nangyayari sa kanila. Bagamat ayaw niyang ilabas ang mga naturang ebidensiya, kinailangan niyang gawin iyon. ”Hindi ko ginustong ilabas ito. Pero ganoon sila, eh, marami silang ‘inilalabas,” paliwanag ni Raymart.
Sa ipinadala namang statement ng abogado ni Claudine na si Atty. Ferdinand Topaciosa PEP.PH, sinabi nitong, ” For one, Mr. Santiago is a martial arts expert and an action star, so it is difficult to believe how a person of my client’s diminutive physique can cause him the injuries he claims.
“Second, it is a cheap attempt to muddle the issue as to whether or not he inflicted physical, emotional, psychological, and economic abuse upon Ms. Barretto.” (HNT)