MARIING itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na nakalalabas at nakapapaligo pa sa kanyang bahay sa Alabang, Muntinlupa City si Janet Lim-Napoles.
Una nang lumabas ang nasabing balita bago pa man ang arraignment ni Napoles kamakalawa sa Makati RTC.
Sinabi ni PNP Spokesman S/Sr. Theodore Sindac, pawang espekulasyon lamang ang nasabing mga alegasyon at walang katotohanan.
Ayon kay Sindac, nananatili si Napoles sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Magugunitang mahigpit ang ipinatutupad na seguridad kay Napoles dahil sa banta sa kanyang buhay. (HNT)
Napoles ‘di na padadaluhin sa Senate pork probe
TILA nabahag ang buntot ng Senado kaugnay sa pagpipilit na padaluhin si Janet Lim Napoles, sinasabing utak ng pork barrel scam, pagdinig kaugnay sa isyu.
Ito ay matapos aminin ni Senate President Franklin Drilon na dapat nilang pakinggan o sundin ang opinyon ng tanggapan ng Ombudsman na hindi maaaring piliting dumalo si Napoles sa isinasagawang pagdinig ng Senado.
Ayon kay Drilon, hihilingin nila ang opinyon ng Ombudsman dahil sa isang probisyon nito na dapat igalang ng Senado.
Binigyang-linaw naman ni Drilon na walang pinoprotektahan o itinatago ang kanyang tanggapan sa hindi pagpirma sa subpoena para kay Napoles, na ipinadala sa kanyang tanggapan ni Senador Teofisto Guingona III, chairman ng Blue Ribbon Committee.
Nabatid din sa sagot ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa Senado na sana ay irespeto ang imbestigasyong isinasagawa ng kanyang tanggapan at maunawaan ang kanilang pagbabawal kay Napoles at iba pa na dumalo sa pagdinig.
(NIÑO ACLAN)