PORMAL nang nagsumite ng Dispute Notice sa International Chamber of Commerce ang Manila Water, na konsesyonaryo sa silangang bahagi ng Metro Manila, upang harapin ang inilabas na pasya ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ukol sa taripa sa tubig.
Sa paglabas ng dispute notice, opisyal nang sisimulan ang proseso ng paghahatol sa nasabing tagapamagitan o “arbitration.”
Ang hakbang na ito ng Manila Water ay bunsod sa desisyon ng MWSS na tanggalin ang mahahalagang programang tumutugon sa paggawa at pagpapanatili ng sistema ng patubig sa silangang bahagi ng Metro Manila.
Sa kawalan ng nasabing mga programa, makokompromiso ang kakayahan ng konsesyonaryo na tuparin ang obligasyong magbigay serbisyo sa mga kustomer.
Pinahihintulutan sa Concession Agreement (CA) sa pagitan ng MWSS at Manila Water ang paghahatol sa tagapamagitan o ‘arbitration’ upang mapagpasyahan ang mga bagay na hindi mapagkasunduan, gayondin ang mga pahayag na mayroong kinalaman sa CA.
Ang Arbitration Panel, na kilala bilang Appeals Panel, ay itatalaga upang isagawa ang pagsusuri at paglilitis alinsunod sa mga tuntunin ng arbitration. (HNT)