NAGSIKIP ANG DIBDIB NI MARIO SA KWENTO NI BALDO KUNG PA’NO BINUWAG ANG PIKETLAYN AT HINULI SI KA LANDO
Kaya marahil may benda ang kanang braso ni Baldo, naibulong ni Mario sa sarili.
Nagtatagis ang mga ngipin ni Baldo sa pagsasalarawan ng naganap na mga kaguluhan sa piketlayn. Sabi, biglang naglundagan sa mahabang trak ang mga bayarang goons na armado ng pamalong kahoy at tubo. Nasorpresa ang mga manggagawa kaya karamihan ay hindi naidepensa ang sarili sa walang habas na paghataw ng matitigas na bagay. Hindi iilan umano sa mga manggagawa ang nagkapasa-pasa, nasugatan, at naputukan ng ulo sa halihaw na pamamalo ng nakararaming pwersa.
“Tapos,biglang dating ang mobile car ng mga pulis at pinag-aaresto ang mga opisyal at miyembro ng unyon. Una na si Tatay Lando sa mga pinosasan,” ang mangiyak-ngiyak na banggit ni Baldo. “At ang bintang, tinatakot at hina-harass daw namin ang mga trabahador na gustong maghanapbuhay.”
Pinagluwag ni Mario ang paninikip ng dibdib sa paglanghap ng maraming hangin.
“Ano nga pala’ng sadya, Mar?” naitanong sa kanya ni Baldo.
“Gusto ko lang makibalita…”
“Ganu’n nga ang nangyari…”
Nang palabas na si Mario sa barung-barong, dala na rin marahil ng binhi ng paghihimagsik sa puso ni Baldo ay malakas itong napasuntok sa dingding.
“Mga hayup sila. May araw din sila!” bulalas nito. (Itutuloy bukas)
Rey Atalia