NAGPALABAS ng kautusan ang liderato ng Kamara de Reprtesentantes sa lahat ng kanilang security guard at kasapi ng Legislative Security Bureau (LSB) na kakapkapan na rin ang mga mambabatas bago sila pumasok sa plenaryo.
Ang kautusan ay bunsod ng insidente noong nakaraang Biyernes na pumasok sa plenaryo ng Kamara ang security escort ni Nueva Ecija Rep. Estrellita B. Suansing na may dalang baril.
Una nang iniulat ni retired Lt. Col. Danilo Carillo, chief ng Lockheed Detective and Watchmen Agency, Inc., isang pribadong security group sa Kamara, isang Alberto Luis Feliciano D. Aragon ang pilit na pumasok sa ple-naryo at tumangging isuko ang kanyang service firearm.,
Dahil sa pangyayari, umapela si House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., sa kanyang mga kasamahang mambabatas na sundin ang bagong patakarang ipatutupad ng Kamara lalo na sa pagdadala ng baril.
Ayon kay Belmonte, ang kanilang ginagawa ay para sa kabutihan ng mga kasapi ng 16th Congress pati na sa mga empleyado ng Kamara at sa mga taong bumibisita sa lugar.
Kung matatandaan, noong Hunyo 27, aksidenteng nabaril ni dating Cagayan de Oro City Rep. Benjamin “Benjo” Benaldo ang kanyang sarili sa loob ng room 512 South Wing ng Batasan Complex.
(JETHRO SINOCRUZ)