PATAY ang 92-anyos lolang bingi’t bulag, isang babaeng amo at tatlong kasambahay sa magkahiwalay na sunog sa Bislig City, Surigao del Sur kamakalawa at sa Fernandez Street, Sta. Cruz, Maynila, Lunes ng umaga.
Kinilala ang unang biktima na si Maxima Lim, residente ng Purok-3, Barameda Street, Riverside District, Bislig City, sinabing isang bingi’t bulag na senior citizen.
Sa imbestigasyon, napag-alamang nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Jonathan Braza, dahil umano sa nag-short circuit na ceiling fan.
Kumalat agad ang apoy sa buong bahay at sa mga katabing kabahayan na gawa lahat sa light materials.
Sa kabilang dako, kinilala naman ni Manila Fire Department Chief Inspector Bonifacio Carta ang mga namatay sa nasunog na residential-commercial building sa Fernandez Street, Sta. Cruz, Maynila, na si Erlinda Ching, 40-anyos, at tatlo niyang mga kasambahay na sina Princess, Fatima at Rema.
Unang natagpuan ang bangkay ni Ching sa mezzanine ng bahay na nakalawit ang paa sa rehas ng nakakandadong fire exit.
Magkakatabi namang natagpuan sa ikatlong palapag ng bahay ang bangkay ng tatlo niyang kasambahay.
Sa inisyal na report, nagsimula ang sunog dakong 5 a.m. at naapula dakong 7 a.m. kahapon.
Tinatayang aabot sa P3 milyon halaga ng ari-arian ang napinsala sa sunog na umabot sa ika-limang alarma.
Sa huling ulat, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog na sinasabing nagmula sa nag-overheat na charger ng cellphone.
nina B. JULIAN/L. BASILIO