TALAGANG may mga pul-politiko na walang kahihiyan. Bakit ‘ika ninyo? Kasi kahit ayaw na ng taong bayan na ipagpatuloy ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang pagbibigay niya ng insentiba sa mga mambabatas na kung tawagin ay pork barrel ay ibig pa rin nilang ipagpatuloy ng pangulo ang gawaing ito.
Kesyo naiipit raw ‘yung pondo para sa education at medical assistance ng kanilang mga nasasakupan. Hay naku, andyan ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) para matakbuhan ng bayan. Ang pork barrel na para sa mga pul-politiko ay dapat ibigay sa DepEd at DOH para matugunan ang pangangailangan ng taong bayan. Hindi ang lukbutan ng mga sukaban ang dapat lagyan ng laman.
Ang trabaho ng mga mambabatas ay gumawa ng batas at hindi ang magpasasa sa pork barrel na dapat ay para sa madla. Nagpapalusot pa kayo.
* * *
Sabi ni Heber Bartolome sa isang awit: “katotohanan ang sa ati’y magpapalaya,” pero may palagay akong ang kahihiyan naman ang tatapos sa katiwalian. Walang ibig sabihin ang mga ideolohiya ng mga makakanan o kaliwang grupo kung ang magpapatupad nito sa poder ay walang kahihiyan sa katawan. Maaari kong masabi na ‘yung kultura ng kawalang pananagutan o culture of impunity ang nagmula sa kawalan ng kahihiyan ng mga taong pinagkatiwalaan ng poder.
Pansinin na kung may kahihiyan ang mga pul-politiko, hindi sila magnanakaw; kung may kahihiyan ang mga kapitalista, magpapasahod sila nang maayos; kung may kahihiyan ang mga manggagawa, gagawin nila nang maayos ang trabaho nila; kung may kahihiyan ang tao, hindi gagawa ng nakahihiya. Ito ay ilan lamang sa magagawa ng kahihiyan sa tao.
Ikaw may kahihiyan ka ba?
* * *
Sa kabila ng sinasabing may delusion at gahaman sa kapangyarihan si Ferdinand Marcos kaya niya ibinagsak ang Martial Law noong Septyembre 21, 1972, may palagay ako na tama ang kanyang puna na may sakit ang ating lipunan at dapat na itong gamutin. Sa katunayan hindi lamang si Marcos ang nakapuna ng sakit na ito kundi mismong ang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Sayang nga lamang at hindi naging matuwid ang ginawa ni Marcos na pagtatangka na baguhin ang lipunan dahil nabahiran na ito ng pansariling interes. Oo inaalis niya ang mga oligarch (na bumalik at naghahari na muli ngayon) pero pinalitan naman niya ng mga crony. Nagpatayo nga siya ng mga gusaling bayan at nagpagawa ng mga lansangan pero ibinaon naman niya sa utang ang bayan. Dinisiplina nga niya ang mamamayan pero binigyang layaw ang mga katoto sa politika. Binuwag niya ang mga private army, pero ginawa niyang sariling hukbo ang Armed Forces of the Philippines.
Sayang talaga ang pagkakataon na ibinigay sa kanya ng tadhana. Kailan pa kaya tayo lalaya mula sa mga walanghiya at sukaban?
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores