NANLUMO SI MARIO NANG MAKITA ANG GIBANG TOLDA NG PIKETLAYN
Ngunit bumulaga sa kanya doon ang gibang tolda ng mga ka-manggagawa. Nasa isang tabi ang nagkayupi-yuping malaking aluminyong talyasi na gamit sa pagluluto ng sinaing, nagkalat ang bubog ng basag na mga pinggan at baso, gutay-gutay ang mga plakard na nabahiran ng dugo sa semento, at wala nang isa mang tao sa piketlayn. Ang mga pulyeto na kinapapalooban ng mga hinaing at reklamo ng kanyang mga kasamahan sa trabaho ay parang inihehele-hele ng malakas na bugso ng hangin sa tapat ng gate ng pabrika.
Tigagal, hindi nakababa ng traysikel si Mario.
Sumaisip niya ang ka-manggagawang si Baldo. Malaking lalaki ito, hindi kukulangin sa anim na talampakan ang taas. May mapipintog na mga masel na tila-bato sa tigas. Parang sa kalabaw ang lakas na taglay nito. Ang binubuhat ng dalawa o tatlo-katao sa kanilang pabrika ay mag-isang kinakaya ni Baldo.
Naninirahan si Baldo sa likod ng mataas na pader ng pabrika. Dito siya nagpahatid sa tricycle boy.
Pinatuloy siya ni Baldo sa loob ng tirahang barung-barong. Naupo sila sa lapag ng sahig. Isang Baldong giyagis ng panlulumo at alipin ng matinding sama ng loob ang nakaharap niya. Laglag ang magkabilang balikat. Luma-latay sa mukha nito sa pagkukuwento ang mapapait na pangyayaring naganap sa piketlayn, dalawang araw pa lang ang nakararaan.
“Marahas na binuwag ang piketlayn,” nasa tinig ni Baldo ang lungkot.” Dinumog kami ng mga bayarang goons… At nagkagulo na nga!”
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia