Mukhang walang makatitinag ngayon sa estado ni Executive Secretary Paquito Ochoa bilang ‘little president’ ng ating bansa.
Sa kabila kasi ng mga ibinulgar ni whistleblower Jun Lozada na may sabit siya sa 2000 hectares rental ng isang beach front property sa Busuanga, Palawan at pagkakasabit ng kanyang isang tauhan na si Brian Yamsuan sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles ay wala man lamang aksyon ang Palasyo lalo’t higit ang mga senador at kongresista natin.
Bukod sa hindi man lamang pinagpaliwanag si Ochoa ng Palasyo ay mistulang naging bulletproof vest rin siya dahil mukhang walang anomalya o kwestiyonableng transakyon ang makatitinag lalo’t kapansin-pansin na agaran din ipinagtatanggol at inaabsuwelto ng mga tagapagsalita ng Malakanyang.
Hindi rin naungkat ang issue na may balitang si Ochoa umano ay lumapit din kay Napoles para sa presidential campaign ni PNoy noong 2010 elections, malinaw kasi sa inihayag ni Lolit Solis, kilalang showbiz writer, na kasama siya ni Napoles noong 2009 nang tumawag sa phone ng pork barrel queen ang isang Jojo.
Maging ang Malampaya fund na dumaraan sa basbas ni PNoy ay nahahaluan ngayon ng pagdududa dahil posible aniyang nadodoktor at nabahiran din ng anomalya lalo’t masyadong abala ang Pangulong Noynoy sa iba’t ibang problema sa bansa.
Ito ngayon ang ipinagtataka ng taumbayan lalo’t higit ang mga mapagmasid sa pamahalaang Aquino dahil kapag si Ochoa na ang ‘involve’ ay agaran at todo-depensa na ang Palasyo gayong ang dapat nilang isagot at gawin ay dapat siyang paimbestigahan.
***
Malaki ang dapat sagutin ng NGO na Kalookan Assistance Council Incorporated (KACI) sa issue ng PDAF dahil mukhang hindi ito naramdaman ng mga taga-Caloocan.
Kagaya ni Janet Lim Napoles, tinaguriang reyna ng NGO at pork barrel scam, naging daluyan rin kasi ang KACI ng milyon-milyong pork barrel nina DILG Sec. Mar Roxas, dating Kongresista Baby Asistio at Oca Malapitan, kasalukuyang alkalde ng Caloocan.
Sa report ng Commission on Audit (COA) kulang sa P50 milyon ang ibinigay nina Asistio at Malapitan sa KACI habang si Mar Roxas naman ay nagbigay sa naturang NGO ng P5 milyon.
Ayon sa COA, hindi rin nag-liquidate ang KACI sa mga natanggap nilang ayuda buhat kina Malapitan, Asistio at Roxas kaya’t ikinokonsidera nilang kwestionable ang transakyon.
Sabi nga ni Justice Secretary Laila de Lima, unang batch pa lang ang kanilang mga sinampahan ng kaso sa Ombudsman kaya’t nagmamatiyag ngayon ang mamamayan lalo na ang mga taga-Caloocan, na hindi man lamang naramdaman ang ayuda mula sa KACI.
Alvin Feliciano