NAKAHANDA na ang Philippine National Police (PNP) sa ipatutupad na seguridad ngayon, Setyembre 23, 2013 para sa pagbasa ng sakdal sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles, nahaharap sa kasong illegal detention sa Makati City Regional Trial Court branch 150.
Ayon kay PNP spokesman, S/Supt. Reuben Theodore Sindac, mismong si S/Supt. Noli Taliño ng PNP-SAF ang mangunguna sa ipatutupad na seguridad.
Hindi na idinetalye pa ni Sindac ang ginagawang paghahanda ng pulis para kay Napoles.
Depensa ng opisyal, malaking kaso ang kinakaharap ni Napoles lalo na’t isa sa pangunahing suspek sa pork barrel scam na isinampa sa Office of the Ombudsman.
Napag-alaman na ang kasong illegal detention ay isinampa ni Benhur Luy, isa rin sa whistleblower sa P10 billion na PDAF scam.
Si Napoles ay nakakulong sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna matapos na sumuko kamakailan kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.