IPALALABAS tonight at 6 pm sa “Showbiz Police” ng TV 5 (hosted by Lucy Torres, Raymond Gutierrez, Joey Reyes and Cristy Fermin) ang special guesting namin. But before the actual show, I was asked kung sino ang paborito kong artista? And I quickly answered, “Susan Roces!” Yes, I considered myself as no. 1 fan of Philippine Cinema’s eternal Movie Queen. Hindi nagbabago ang paghanga ko kay Susan sapol pagkabata, bagkus ay lalo pang tumindi dahil nakita ko ang napakaganda niyang ugali. Marespeto, mapagmahal at napakalinis ng pagkatao. And I’m fortunate dahil naging malapit ako kay Susan, the real First Lady of the country.
When I was still in the elementary at the Paco Catholic School, tinitipid ko ang baon kong ilang sentimos para makabili araw-araw ng isa o dalawang larawan niya sa bangketa ng Paco Market. Mga larawang kuha ng Phil Art Studio, Uni Art Studio at Tropicana Studio. Umabot sa ilang dangkal ang naipon kong mga larawan ni Susan. Die hard fan talaga dahil pati mga pelikula niya, napanood ko na ‘e inuulit ko pa. Nagtutungo din ako sa MBC studio diyan sa Taft Avenue noong ako’y katorse anyos para makita siya nang personal sa radio program niyang “Ang Maganda Kong Kapitbahay” aired sa DZRH. Katambal niya si Eddie Gutierrez.
Minsan ay nagpunta ako sa Sampaguita Pictures diyan sa Gilmore Avenue, tumalon ako sa bakod para makapasok. Nakita ko si Susan nang personal na nagsu-shooting ng “Sa Libis Ng Baryo.” Heaven sa akin ang paligid dahil naroon si Susan. Hindi ako kumukurap ng mga mata sa katititig sa paborito kong bituin. Sa paglipas ng ilang taon ay nakapasok ako sa showbiz. Subalit hindi ko pinangarap na makilala pa ako ni Susan. Basta hayaan na lang niyang hangaan ko siya. Pero ewan ko ba’t dumating sa akin ang suwerte dahil mabilis akong nakilala sa showbiz. Nagkakilala kami. Hanggang naging PRO pa ako noong time na nag-abroad na si Baby K. Jimenez. That was in 1986 nang maging aktibo muli si Susan at ginawa niya ang “Nasaan Ka Nang Kailangan Kita,” “Paano Na Kung Wala Ka?” “Inday Inday Sa Balitaw” atbp. At naging ninang din siya ng nag-iisa kong anak na si Chino, na kahit may sore eyes si Susan sa araw ng binyagan ay dumating talaga siya sa simbahan (nag-shades).
Maraming masayang pangyayari subalit meron din hindi maganda. That was in 1990 nang maging sugapa ako sa pagsusugal sa casino (Philippine Village Hotel at Manila Hilton). Nabalitaan niya ang hindi ko magandang gawain. Kinausap niya ako sa loob ng kanilang tahanan ni FPJ sa Lincoln Street, Greenhills. Malungkot ang kanyang mukha. “I’ve been hearing a lot about you, that you are into gambling!” maramdaming wika ni Susan at naiiyak siya habang nagsasalita. “Nasasaktan ako kapag nakaririnig ako nang hindi maganda tungkol sa ‘yo! You are like a brother to me!” At lalo pang lumuha ang mahal kong si Susan. Hindi ako nakakibo.
Paano mong hindi mamahalin forever si Susan. Now, regarding my present situation, we are scheduled to meet the soonest possible. Everyday na kasi ang taping niya ng teleseryeng “Muling Buksan Ang Puso” na malapit na rin magtapos. Kaya sa nalalapit na mga araw ay tiyak na magiging makabagbag-damdamin ang aming pagkikita. Nakarating na sa kanya na ang kanyang kaibigan ay mayroong colon cancer stage 4 at tinaningan ng ilang buwan ang buhay. But nothing is impossible with God.
Chito Alcid