DUMISTANSYA at naghugas-kamay na si Sen. Juan Ponce Enrile sa kontrobersyal na P10 bilyon pork barrel scam at sinabing hindi niya inaprubahan ang mga ilegal na aktibidad ng nagbitiw niyang chief of staff na si Gigi Reyes.
Wala rin daw pinirmahang dokumento si Enrile na nag-e-endorse sa kaduda-dudang mga ahensya na kontrolado ng tinaguriang “pork scam queen” na si Janet Napoles.
Ayon kay Reyes, bago pa mag-abroad kamakailan, si Enrile mismo ang pumipirma ng mga endorsement. Wala raw pinirmahang endorsement si Reyes para magnomina ng ano mang proyekto sa ilalim ng priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel at various infrastructure including Local Projects (VILP) ni Enrile.
Sina Enrile, Sens. Bong Revilla at Jinggoy Estrada ay kasama sa mga kinasuhan ng plunder dahil sa pambubulsa umano ng P581 milyon kickback sa ghost projects ni Napoles. Itinanggi ng tatlong senador na may kinalaman sila sa pork scam. At sa takbo ng mga pangyayari, mukhang ang kanilang staff ang madidiin sa kaso kung naririto pa sila sa bansa.
Tulad ni Reyes, maging si Ruby Tuazon na kinatawan umano nina Enrile at Jinggoy na nasangkot din sa pork scam, ay nakapag-abroad na nitong nagdaang Agosto.
Pero ang malaking tanong ng marami, mga mare at pare ko, ay kung mangangahas ba ang staff ng mga senador na ibulsa ang milyon-milyon sa kanilang pork nang hindi nila nalalaman?
Paano kung bigla silang maglitawan at ikanta ang lahat ng nalalaman sa naturang scam?
Abangan!
•••
SA wakas ay kinasuhan na rin ng murder ng Department of Justice (DOJ) ang 13 pulis na sangkot sa brutal na pagkakapaslang sa 13 katao sa Atimonan, Quezon noong Enero.
Sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ay rubout ito na nag-ugat sa awayan sa teritoryo bunga ng jueteng. Nadamay lang daw ang iba dahil ang target ng pagpatay ay ang sinasabing gambling lord na si
Vic Siman, na karibal daw sa jueteng ng isang “Ka Tita.”
Itong si Ka Tita ay pinoprotektahan daw ng pulis na namuno sa rubout na si Supt. Hansel Marantan, na nasangkot din sa ilang kontrobersya tulad nang pagkamatay ng mga carjacker na Valle Verde Gang noong 2005. Nakuhaan ng video ng UNTV na kahit hindi na gumagalaw ay binabaril pa ng mga pulis ang tatlong napaslang sa enkuwentro mula sa mayayamang pamilya.
Sangkot din siya sa 2009 shootout sa pinaghihinalaang mga magnanakaw na ikinamatay ng 16 katao, kabilang ang seaman at ang kanyang pitong-taon gulang na anak na babae. Sa kabila ng mga kasong ito, akalain ninyong dalawang ulit pa siyang na-promote sa halip na masibak?
Panagutin!
•••
HINDI raw aalis si Pres. Noynoy Aquino sa Zamboanga City hangga’t hindi natatapos ang gulo.
Ang ginawa ni P-Noy ay nagpataas ng moral ng mga kawal at pulis na humarap sa mga rebeldeng Moro National Liberation Front (MNLF) ni Nur Misuari na paubos na.
Noong Huwebes ay nagbalik na sa operasyon ang Zamboanga City Airport, mga mare at pare ko, at unti-unti na rin nagbabalik sa normal ang takbo ng buhay sa lungsod. Pero huwag na huwag kaliligtaang panagutin sina Misuari at ang lahat ng damuhong nanggulo sa Zamboanga City.
Ruther Batuigas