SA Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh (GRR TNT) ngayong Sabado, 9:00-10:00 a.m. sa GMA News TV ay itatampok ang isang Korean clinic sa Makati City. Dito’y may Yakson Myunga proseso na makapagtutuwid ng mga binting sakang o piki na ‘di kailangang gamitan ng operasyon.
Para rin sa katawan at isipa’y ipapayo ni Mader Ricky ang Yoga.
Dadalhin niya tayo sa isang clinic na dinarayo ng mga nagnanais maging malusog at manatiling maganda ang hubog ng katawan.
Para sa mga dumaraing ng pagod, depresyon, at kalungkutan ay dadalhin tayo ng GRR TNT crew sa isang retreat house sa Tagaytay.
Naghahandog ito ng pambihira at komportableng pahingahan, mga gawaing nakakrerelaks at ang paglalapit sa kalikasan sa mga taong naging abala sa kanilang mga gawain sa magulong lungsod.
Para mawala ang pagkainip ay isang Pinay ang nahilig sa pagbuo ng iba’t ibang puzzle. Bisita ang babae sa show at ipakikita niya ang kanyang Puzzle Mansion na binigyang-parangal ng Guinness Book of World Records. Hahanga kayo sa mga puzzle na ginawa niya at naka-display. Ang mga ito ang lumutas ng problema niyang pagkasawa at pagkainip.
Siyempre pa, ang ehersisyo ay dapat sabayan ng wastong pagkain. Dadayuhin natin ang Cucina Ni Bunso para sa segment na Cooking With Bunso na idedemo ni Chef Mel Martinez ang masasarap at masusustansiyang pagkaing siya mismo ang nagluluto.
Basta pagpapabyuti, pangangalaga sa sarili, at todong tips pangkalusugan, tutok lang sa GRR TNT na prodyus ng ScriptoVision.
Basta si Mader bonggang isyu ang kinakarir tuwing Sabado.