DEHADO ang University of Santo Tomas sa paghaharap nito kontra National University sa Final Four ng UAAP Season 76.
Nakuha ng Bulldogs ang pagiging top seed sa pagtatapos ng eliminations kaya kailangan na lang nila ng isang panalo para umabante sa finals at mapalapit sa una nilang titulo sa UAAP mula pa noong 1954.
Ngunit naniniwala si UST coach Pido Jarencio na lamang ang Tigers kung karanasan ang pag-uusapan.
“Puso ang magdadala sa amin sa finals at sa korona,” ayon kay Jarencio na gumabay sa UST sa korona ng UAAP noong 2006.
Sang-ayon kay Jarencio ang pambato ng UST na si Jeric Teng na nasa huling taon na niyang paglalaro sa UAAP.
“I’ve been through a lot this season,” ani Teng. “Sobrang overjoyed ako.”
Nakuha ng Tigers ang huling silya sa Final 4 pagkatapos na durugin nila ang defending champion Ateneo de Manila, 82-74, noong Miyerkules.
Dahil dito, nahubaran ng korona ang mga Agila pagkatapos ng limang taon nilang paghahari sa UAAP.
Ito rin ang unang beses na hindi nakapasok ang Ateneo sa Final Four ng UAAP mula pa noong 1998.
Maghaharap sa isa pang laban sa Final Four ang La Salle at Far Eastern University. Maglalaban ang dalawa bukas para sa isa pang twice-to-beat na bentahe. (James Ty III)