NAGWAKAS ang kampanya ng Ateneo Blue Eagles para sana sa ika-anim na sunod na kampeonato nang sila’y payukuin ng University of Santo Tomas Growling Tigers noong Miyerkules.
Bale knockout ang naging tema ng saplukan ng Blue Eagles at Growling Tigers para sa huling ticket sa Final Four ng 76th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball Tournament.
Nagtapos ang Blue Eagles na may 7-7 record samantalang ang UST ay may 8-6. Makakaharap ng UST ang National University Bulldogs na may twice-to-beat advantage sa Final Four sa Linggo.
Sa kabilang salpukan ay magkikita naman ang Far Eastern University Tamaraws at De La Salle Green Archers.
Sa pagkatalo ng Blue Eagles ay nagwakas ang 14 sunud-sunod na taong pamamayagpag nila sa Final Four.
At siyempre, masakit ito para sa bagong coach na si Dolreich “Bo” Perasol na humalili kay Norman Black bago nagsimula ang season.
Kumbaga’y hindi naging maganda ang kanyang unang taon sa kampo ng Blue Eagles.
Idagdag pa rito ang pangyayari na hindi siya nag-coach kontra UST dahil sa suspindido siya. Ang assistant coach nyang si Sandy Arespacochaga ang humawak sa Blue Eagles sa huli nilang game.
Well, hindi pa naman ito end of the line para kay Perasol.
Mahaba naman ang kanyang kontrata at alangan namang wakasan kaagad ito matapos ang unang taon.
Mabibigyan ng pagkakataon si Perasol para makabawi.
At sigurado sisimulan na niya ang paghahanap ng mga manlalarong maidadagdag sa koponan sa hangaring mapalakas ito sa susunod na season.
Apat na players ang mawawala sa kanila at ito’y sina Ryan Buenafe, JP Erram, Juami Tiongson at Frank Golla.
So, apat na matitinding players ang puwedeng idagdag ng Blue Eagles na tiyak na maghihiganti sa susunod na season.
Sabrina Pascua