UMPISA na ang mga palusot ng mga pul-politikong iniuugnay sa pork barrel scam. Nariyang may biglang magkakasakit at maaaring magpa-wheelchair pa, mayroon naman magiging relihiyoso at palatawag sa panginoon (hindi na kinilabutan), at mayroon naman na taas noong itatanggi ang lahat (kapal ng mukha).
Tiyak na kanya-kanya na silang gimik pero ang lahat ay para makakuha lamang ang simpatya natin. Tiyak ko na karamihan sa estilo nila ay para magpaawa. Mayroon pang aastang parang maamong hayop kapag nasa harap ng madla (mag-papa-underdog effect ‘ika nga) at ‘yung iba na man ay gagamit ng mga lengwaheng legalese (pa-impress sa atin) na ilan lamang ang nakaiintindi.
Ayon naman sa batikang manunulat na si Philip Lustre sa kanyang Facebook page mula ngayon ay magiging bukang bibig/depensa na ng mga sumasabit na pul-politiko ang sumusunod:
1. Hindi ko pirma iyan… Pineke ang pirma ko…
2. Hindi ko kilala iyan… Nagkita lang kami sa party pero walang transakyong naganap…
3. Lahat ng mga ibinibintang nila ay pawang kasinungalingan…
4. Aba, demolition job iyan… Kasi naman tinitingala ako bilang isang presidential timber sa 2016…
5. Politika lahat ang dahilan ng mga pagbibintang na iyan…
6. Kung aalisin nila ang PDAF ng mga mambabatas, alisin na rin nila ang social fund ng presidente…
7. Nalimutan ko na ang taong iyan… Pero teka, sino nga ba iyan?
8. Ipasusuri ko kung akin talaga ang mga pirmang iyan…
9. Kaming mga politiko ay hindi tumatanggi sa mga taong gustong magpakuha ng litrato na kasama kami…
10. Hindi na namin trabahong suriin kung totoong NGO ang tumanggap ng aming PDAF…
Hi-hi-hi-hi natatawa ako…(sa mga) banal na aso’t santong kabayo…natatawa ako hi-hi-hi
* * *
Marami ang nagtatanong kung papaano nagagawa ‘yung pork barrel scam. Ito ang paliwanag ng National Bureau of Investigation (NBI).
Una ay nagkaroon daw nang unawaan ang mga pul-politiko at si Ma’am (‘yan ang tawag ni Sec. Mar Roxas kay Janet Napoles). Itatalaga ng mga mambabatas ang kanilang Priority Development Assistance Fund (opisyal na tawag sa pork barrel) sa mga non-government organizations na hawak ni Ma’am Janet.
Tapos magpapadala ng listahan ng proyekto ang mga pul-politiko sa Department of Budget and Management (DBM). Magpapalabas naman ang DBM ng Special Allotment Release Order (SARO) para mapondohan ang ‘proyekto’ ng pul-politiko. Tapos ay ipapasa ng pul-politiko ang non-government organization ni Ma’am sa ahensya ng pamahalaan na tumanggap ng SARO mula sa DBM.
Kasunod nito ay iisyuhan ng tseke ang pekeng NGO ni Ma’am ng ahensyang nakatanggap ng SARO. Idedeposito sa banko tapos ay ilalabas rin ng mga tauhan ni Ma’am ang pera.
Sabi pa ng NBI ay advanced payment lagi ang mga pul-politiko. Nakakukuha rin ng parte ang kanilang chief of staff pati na rin ‘yung sangay ng pamahalaan na nagpapalabas ng tseke ay nakakahati ng 10 porsyento. Ang matitirang pera ay napupunta kay Ma’am.
Ang galing ano?
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores