Muntik na niyang pilipitin sa sakal ang leeg ng mayabang na si “Punggok”, mistulang tagak na nakatuntong sa likod ng kalabaw.
Walang abog na sumulpot si Kernel Bantog. Biglang napatayo si Sarge, sumaludo sa kadarating-dating na opisyal.
Pinindut-pindot ni Kernel Bantog ang hawak na cellphone. May kinausap sa kabilang linya.
“Yes, Mayor” at “opo” lang ang narinig ni Mario.
Nakita niyang tinanguan ng opisyal ang tauhang si Sarge. Nagpatiuna ito sa pagpasok sa pribadong tanggapan sa loob ng kinatatalagahang himpilan ng pulisya. Doon nito inilahad sa bata-batang sarhento ang mariiing utos ni Mayor Rendez na hindi niya narinig.
“Dead man tell no tales!” ang mga huling katagang binitiwan ng alkalde sa hepe ng pulisya.
Isinenyas ni Sarge ang paggilit sa sariling leeg. Tumango si Kernel. “Para matigil na ang mga batikos sa ‘min ni Meyor.”
Sinabihan din ni Kernel si Sarge na idispatsa agad si Mario upang hindi na madatnan kinaumagahan ng deputado nitong si Major Dante Delgado.
“Mabubuliyaso tayo ‘pag naamoy ni Delgado ang trabaho natin,” babala ni Kernel kay Sarge. “’Alang sinasanto ‘yun.Kahit si Meyor, ililigwak ‘pag nakitaan ng butas.” (Itutuloy bukas)
Rey Atalia