HINDI lang ang anak ni Stanley Ho, kundi isang grupo ng mga lokal na gambling operator ang itinurong nakapasok na sa Maynila gamit ang Small Town Lottery (STL) bilang prente upang mag-operate ng jueteng sa lungsod.
Tiniyak ito ng isang Manila police official kaugnay umano ng planong ilalagay sa Maynila ang malawak na operation ng jueteng sa Metro Manila.
Anang police official, kasado na ang jueteng sa Maynila matapos mag-usap ang financier, operator at ilang matataas na opisyal ng lungsod.
Nauna nang nagduda ang ilang concern citizen sa pagpasok ng STL sa Maynila lalo’t dati nang nasangkot sa jueteng ang bagong alkalde.
Isa na naman umano itong pagkalugi ng gobyerno dahil imbes sa kaban ng bayan pumasok ang buwis na magmumula sa STL ng Philippine Charity and Sweepstakes Office (PCSO) ay sa bulsa ng gambling operator mapupunta.
Magugunitang presidente si Erap nang makapasok sa bansa ang Macau gambling mogul na si Stanley Ho at itinayo ang floating restaurant and casino sa Harbor Center sa Pasay City.
Sinabing ang pagpasok ni Ho sa bansa ay pinakinabangan ng matataas na opisyal na namunini sa goodwill money.
Ngunit dahil sa maigting na pagtutol ng religious sector hindi natuloy ang operasyon ng floating restaurant and casino.
Hindi natapos ni Erap ang kanyang termino (1998 hanggang 2004) dahil siya ay pinatalsik sa pamamagitan ng EDSA 2 sa isyu ng jueteng.
(HATAW News Team)