SINAMPAHAN ng kaso ng Bureau of Customs sa Department of Justice kahapon ang Cebu-based trader na si Gemma Aida T. Belarma.
Ayon kay Customs commissioner Ruffy Biazon, si Belarma ang may-ari ng Melma Enterprises, consignee ng hot rice mula sa Vietnam.
Si Belarma ay kinasuhan ng paglabag sa Section 101 ng Tariffs and Customs Code of the Philippines.
Ito ay matapos matukoy ng ahensya na tinangka ni Belarma na ipuslit ang 96 twenty-footer container vans ng bigas galing sa bansang Vietnam, na nagkakahalaga ng P63,897,600.
Sinabi ni Biazon, ipinadaan ni Belarma ang kanyang rice shipment sa Port of Cebu noong Marso 2013 matapos ideklarang granite slabs, granite tiles, stone slabs and wall insulators ang kanyang kargamento upang makaiwas sa pagbabayad ng import permit.
Sa ilalim ng batas, lahat ng importasyon ng bigas ay saklaw ng import permits mula sa National Food Authority (NFA).
(LEONARD BASILIO)