INIHAYAG ni Benhur Luy, whistleblower sa P10 billion pork barrel scam, na mismong ang mga kongresista ang lumalapit kay Janet Lim-Napoles upang ibenta ang kanilang pork barrel nang mabatid na maaari silang tumanggap ng 40% kickback sa ghost project at agad nilang makukuha ang kalahati nito mula sa negosyante.
Ayon sa pinsan ni Napoles, ang mga senador naman ay kadalasang tumatanggap ng 50% cut sa halaga ng proyekto ng NGOs na hawak ng negosyante.
Sa nasabing proseso, sinabi ni Luy na ibinibigay ni Napoles nang advance ang kalahati ng kickback kapag na-request na ang proyekto sa pamamatigan ng House committee on appropriations o sa Senate finance committee.
Aniya, makukuha ng mga mambabatas ang balanse kapag ipinalabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang special allotment release order (SARO).
Sa kalahati ng PDAF na nakukuha ng mga mambabatas, sinabi ni Luy na 10 porsyento ng natitirang halaga ay kadalasang napupunta sa implementing agencies bilang “SOP” (standard operating procedure o grease money).
Sinabi ni Luy, kaya ni Napoles na maibigay nang “advance” ang kickbacks dahil marami siyang pera.
May mga araw aniya na nagwi-withdraw si Napoles ng hanggang P75 million mula sa kanyang Metrobank o Landbank accounts. Marami aniyang cash na pumupuno sa kama ni Napoles gayondin sa kanyang bathtub.
Ang mga senador ay tumatanggap ng tig-P200 million sa annual PDAF habang ang mga kongresista ay tumatanggap ng P70 milyon bawat isa.
HATAW News Team